ni Divina Lumina
“Sapagkat lubos kong kilala ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa wakas ang ipinagkatiwala ko sa Kanya.” 2 Timoteo 1:12
Kapag may lumapit sa iyo na di mo kilala at mag-alok ng negosyo at humingi ng pera para isosyo mo, magbibigay ka ba? Natural, hindi. Baka nga tingnan mo pa ng masama.
Kung ikaw ay dalaga at may lalaking noon mo lang nakita na niyayaya kang pakasal, papayag ka ba? Siempre, hindi. Kasal, agad-agad?
Sadyang mahirap makipag-ugnayan o makipag-relasyon sa isang di mo kilala. Ganyan din pagdating sa ating Panginoon. Madaling sabihin na mahal natin ang Diyos pero gaano ba talaga natin Siya kakilala?
Masasabi ba nating kilala Siya kung hindi naman natin alam ang kanyang Salita at bihira tayong magbasa o makinig sa kanyang Salita? Kapag mayroon kang minamahal, gustong-gusto mong naririnig ang boses niya at ninanamnam ang bawat salitang binibitawan niya, di ba?
Masasabi ba nating mahal natin Siya kung hindi natin Siya pinaglalaanan ng ating panahon, kung naaalala natin Siya minsan lang sa isang linggo, o minsan hindi pa? Pansinin natin ang magsing-irog – maghapon na magkasama pero kahihiwalay lang, nagtetext o naguusap na sa pamamagitan ng kanilang cellphone. At kahit pa may ibang ginagawa, di pa rin maalis sa isip ang minamahal.
Masasabi ba nating mahal natin Siya kung hindi natin sinusunod ang kanyang mga Utos? Sa isang nagmamahal pinipilit niyang gawin ang lahat na makapagpapasaya sa kanyang minamahal at iwasan ang alam niyang ikagagalit nito.
Kilalanin natin ang ating Panginoon. Alamin at unawain ang kanyang Salita. Bigyan Siya ng panahon sa pamamagitan ng pagdarasal, pagsamba at pag-alala. Kapatid, kapag tunay mo siyang makilala, mamamangha ka sa kadakilaan niya at sa laki ng pagmamahal niya sa iyo. Gawin mo at tiyak magbabago ang takbo ng buhay mo.
(Ang PAN-BUHAY ay isang pakikipagugnayan sa pamamagitan ng panulat tungkol sa ating buhay espirituwal at sa ating Panginoon na tinatawag din nating “Ang Tinapay (Pan) na Nagbibigay-Buhay”)