ni Ed de Leon
HINDI kami naniniwala sa mga kumakalat na tsismis na pinagbibintangan si John Lloyd Cruz na may anak na raw at itinatago lamang niya. Nagsimula lang iyan sa post ng isang estudyante sa isang social networking site na nagsabing ang kanyang ama ay isang male star mula sa Kapamilya Network. Marami pa siyang sinabing clues na nagtuturo nga kay John Lloyd.
Pero mukha namang napaka-imposible na si John Lloyd ay magkakaroon ng anak na ganoon na ang edad, dahil nasa college na nga raw ang bata, eh samantalang si John Lloyd naman ay sinasabi ngang 31 lamang ang edad. Ano iyon, magkaka-anak siya noong ang edad niya ay 15 lamang?
Isa pa, kung totoo nga ang naka-post na iyon sa internet, batay na rin sa sinasabi niya, kinikilala naman siya ng kanyang ama. In fact isinama pa nga raw siya sa abroad recently, bagamat ang pakilala sa kanya ay pamangkin lamang. Ibig sabihin suportado siya. Kung may ganyan, imposibleng hindi sisingaw kahit na paano. Alam naman ninyo ang mga balita sa showbusiness. May naitatago ba rito. Paanong naitago iyan ng halos dalawang dekada na?
Alam ninyo kung minsan, iyang mga naglalagay naman ng mga post sa internet, hindi mo naman masasabing talagang totoo ang sinasabi ng mga iyan. Una, wala namang pangalang nakalagay. Ikalawa, kung may pangalan man, makasisiguro ka nga bang totoong pangalan ang nakalagay doon? Marami kaming kilala may mga post din sa internet pero ang ginagamit ay hindi naman nila tunay na pangalan.
Siguro kung ang batang iyan ay talagang naghahabol ng recognition, bakit hindi niya gawing pormal ang kanyang paghahabol kung totoo ang sinasabi niya, kaysa iyang idinadaan niya sa ganyang parang blind item sa internet. Kung sino-sino tuloy ang napagbibintangan. Pero kami, sa tingin lang namin parang imposible ang bintang nilang si John Lloyd nga iyon.