SA pamamagitan ng ating kolum na Kurot Sundot, nais nating pasalamatan ang Philippine Racing Commission sa pumumuno ng butihing Chairman Angel L. Castano Jr. sa pagbibigay-pansin sa inihahain nating puna, suhestiyon at problema ng ating ”Bayang Karerista” na may kaugnayan sa karera sa ating bansa.
Narito po ang tugon ng komisyon:
MR. ALEX L. CRUZ
Columnist/ Hataw Sports Editor
KUROT SUNDOT
Ginoong Cruz,
Maraming salamat sa iyong mga kolum ng 18, 23 at 24 ng Oktubre 2014 kaugnay sa mga napapanahong isyu sa karera.
Nais naming ipabatid sa iyong mga masugid na tagasubaybay at sa “Bayang Karerista” na ang mga napapanahong isyu tulad nito ay masusing binibigyan pansin at halaga ng inyong Commission Board sa regular na pulong kasama ang mga miyembro ng Board of Stewards at pamunuan ng Racing Clubs.
Binigyang pansin din ng PHILRACOM sa pamamagitan ng mga Racing Managers ang mahalagang tungkulin ng mga “Broadcast Panelist” bilang taga-pagpalaganap ng impormasyon hinggil sa mga napapanahong isyu at mga kaganapan sa karera para sa kaalaman ng “Bayang Karerista.”
Ang ating Philippine Racing Commission sa pamumuno ng butihing Chairman Angel L. Castaño, Jr. ay gustong ipabatid sa ating industriya ng karera ang kabuluhan nito tungo sa pag-unlad ng ating bansa. Bilang pagpapatunay ayon sa rekord, ay nakapagtala sa kasalukuyan ang PHILRACOM ng P433 Milyon “increase in sale” at patuloy na tumatahak sa “Daang Matuwid” upang makamit ngayong 2014 ang “Top 5 Best Gross Sales” mula pa noong 1974.
Ang mga reporma ng PHILRACOM ay unti-unting nagbubunga ng inaasahang resulta para sa ating industriya. Batay sa talaan ng Komisyon ngayong 3rd Quarter ng 2014, ang mga “Vicious” horses ay nabawasan ng 5%; ang mga ‘bleeders’ o sumasargong kabayo ay nabawasan ng 6.2%; at ang mga napipilayan at nabawasan ng 80.7% kumpara sa nagdaang taon 2013.
Maraming bagong horse owners ang pumasok sa ating industriya na sa kasalukuyan ay naitala sa tatlumpung (30) investors kasama na dito ang ilang dating horse owners na nagbabalik sa karera.
Bilang pasasalamat, ang inyong Komisyon ay lubos na nagpapahalaga sa inyong masusing pagbabantay sa ating mga karera. Kayo ay makakaasa sa mga tuluyang pagbabago na aming ipinatutupad para sa ikagaganda at ikabubuti ng ating lokal na industriya ng karera.
Gumagalang,
PHILRACOM