ni Roldan Castro
KAPAPANALO lamang ni Allen Dizon ng kauna-unahang International Best Actor para sa pelikulang Magkakabaung/The Coffin Maker na idinirehe ni Jason Paul Laxamana sa 9th Harlem International Film Festival na ginanap sa New York.
Pinuri siya at tinawag na “festival discovery” sa rebyu ng French blogger/ film reviewer pagkatapos sabay na mapanood ang Kamkam at Magkakabaung sa 38th Montreal World Film Festival.
Pinuri ang kanyang sensitibong pagkakaganap sa dalawang pelikulang kapwa siya ang bida. Ang Magkakabaung ay nakatakdang ipalabas sa Austin,Texas Film Series, Hong Kong Asian Film Festival, at main competition sa 3rd Hanoi International film festival. May best leading actor sa 3rd Hanoi Film Festival, masundan kaya ang International Best Actor ni Allen.
Nakatakdang umpisahan ni Allen ang pelikulang Daluyong (Storm Surge) mula sa panulat ni Ricky Lee at sa direksiyon ni Mel Chionglo under BG Productions. First time nilang magkakasama sa pelikulang ito si Diana Zubiri.