TULOY SA MASAMANG BISYO SI JOBERT, TULOY DIN SA PANG-UUMIT
“Sinong ka-jamming mo?” usisa pa niya.
“Tayong dalawa ang raratrat…” ang sagot sa kanya ng lalaking payat, mahaba ang buhok at ngingiwi-ngiwi ang mukha sa pagtatagis-bagang.
Nang magbalik si Jobert sa bilyaran ay dala na niya ang sachet ng droga na binili sa kakilalang tulak. Kinindatan lang niya ang manlalarong durugista at nagkaintindihan na agad silang dalawa. Nagtuloy siya sa CR ng billard recreational hall. Sumunod sa kanya roon ang nagpabili ng droga. Doon sila apurahang rumatrat.
“Solb!” ngisi ng durugistang suminghot sa kahuli-hulihang usok ng mala-butil ng pinulbos na tawas na gumulong sa aluminum foil nang idarang sa nag-aapoy na lighter.
Tamang tsibug si Jobert. Umuwi siya sa bahay para magbungkal ng makakain sa kusina. Dinatnan niyang natutulog sa papag si Tiyo Pedring. Tuwing katindihan ng init ng panahon ay umiidlip siyang saglit para maipahinga ang hapong katawan. Ang ipinamamasada nitong pampasaherong dyip ay pansamantala munang iginarahe sa tapat ng kanilang bahay.
Napasarap ang tulog ng kanyang Tiyo Pedring. Ni hindi nito namalayan ang kanyang pagdating at muling pag-alis ng bahay. Pero tiyak na magwawala ito sa galit pagkagising. Inumit niya kasi sa kahon ng pera ng amain ang anim na pirasong salaping papel na kinita nito sa pamamasada ng sasakyan.
Tamang stroll din ang epekto kay Jobert ng niratrat na droga. Naglakad siya nang naglakad nang wala namang tiyak na direksiyon. Kung saan-saang lugar siya nakarating. At natagpuan na lamang niya ang sarili na paikot-ikot sa isang parke na malapit sa simbahan ng kanilang komunidad. Palibhasa’y paparating na ang araw ng Kapaskuhan kung kaya makaririnig na ng manaka-nakang nagpapaputok ng rebentador. Maging sa paligid ng parke ay may mangilan-ngilang kabataang nagpapaputok niyon.
“Hoy, mga bata! Sa Pasko at Bagong Taon na kayo magpaputok,” ang pagalit saway ng isang lola na umaakay sa paslit na apo sa paglalakad-lakad sa parke.
Agad namang nagtakbuhang palayo ang mga pasaway na kabataang lalaki na may dala-dalang mga paputok.
(Itutuloy
ni Rey Atalia