DEAR friends from Media,
Nais po lamang naming linawin ang ilang mga lumalabas na pahayag sa iba’t ibang mga kolum na tila baga lumalabas na nagsisisi na diumano ang aking kliyente na si G. ALJUR ABRENICA sa kanyang inihaing demanda Laban sa GMA 7 hinggil sa kanyang kontrata, at kusang-loob na niyang iuurong ang mga ito. Bagamat totoo namang lagi kaming bukas sa makabuluhang pakikipag-usap sa pamunuan ng GMA7 – bagay na amin nang sinabi mula’t sapul pa noong araw na dumulog kami sa hukuman — hindi totoong pinagsisisihan na ni Aljur ang ginawa niya. Ang anggulong ito, sa wari namin, ay kathang-isip na naman ng mga mangmang na elemento sa GMA ARTIST CENTER na nais iligtas ang kanilang sarili sapagkat sila ang dahilan kung bakit nagdemanda si Aljur. Ganito rin ang ginawa nila noong nagkaroon ng suliranin sina Bb. Yasmien Kurdi at Bb. Bea Binene, kaya’t lumala ang gulo. Dapat nilang malaman na hindi sila nakakatulong sa pamamahala ng GMA7, at ang mga utak-ipis na diskarteng ito ay tiyak na makasasama pa sa kaso nila. Kami ay laging handang makipag-usap nang maayos sa GMA7 at sa kanilang mga kinatawan, at ano mang pag-urong ng demanda ay gagawin lamang namin matapos ang pag-uusap na ito at sa konteksto ng gagawing mga “mediation procedures” ng hukuman. Napapanahon nang kilalanin ng GMA7 ang mga kenkoy sa GMA ARTIST CENTER upang sibakin (ang mga ito) at maiwasan ang mga kabulastugang (maaring) mangyayari pa kapag hindi nagbago ang sistema (dito).
Marami pong salamat,
FERDINAND TOPACIO
So hayan klarong-klaro na hanggang ngayon ay hindi sinusukuan ni Aljur ang kasong isinampa laban sa Kapuso network. Kaya kung ano man ang mga naglalabasan ngayon ay galing ‘yan sa kampo ng estasyon. Go Aljur and we will support you, all the time gyud!
Forevermore nina Enrique at Liza bagong mamahalin
Na-invite kami sa pocket presscon ng Forevermore sa Star Records conference room.
First time namin makaharap nang malapitan sa personal ang leading lady ni Enrique Gil sa latest teleserye ng Star Creatives Group na “Forevermore” na si Liza Soberano. Nakailang project na rin si Liza sa ABS-CBN pero ang seryeng pinagsasamahan nila ni Enrique ang itinuturing ng young actress na big break for her career. At hindi nagkamali ang big boss ng Star Creatives na si Ma’am Malou Santos sa pagbi-build up kay Liza, kasi ang qualities ng isang artista para maging big star sa hinaharap ay nasa kanya.
Pinaghalong Hilda Koronel at Kristine Hermosa ang beauty ni Liza at infairness mahusay umarte ang alaga ni katotong Ogie Diaz. Hindi lang ‘yan, pagdating sa trabaho ay very professional siya at ma-PR rin sa entertainment press.
Sa personal na buhay napakabait na bata rin ng dalaga na breadwinner pala ng pamilya at gustong mabigyan ng magandang buhay ang magulang at mga kapatid. Wow! Suwerte ni Enrique kung sila ni Liza ang magkakatuluyan in the future.
Pero say ng youngstar hanggang crush lang daw muna siya sa kanyang leading man dahil bata pa siya.
Nang tuksuhin nga namin na parang sila na ni Enrique dahil ibinuko ng kanilang director sa Forevermore na si Cathy Garcia-Molina ang pagiging malapit nila sa isa’t isa. Ipinahiram pa raw sa kanya ni Enrique ang dala nitong kumot para hindi siya ginawin sa set ng serye nila sa Benguet.
Tawa lang nang tawa si Liza sabay sabing sweet lang at gentleman ang kanyang kapartner. Sa nasabing pocket interview namin ay present din ang ilan sa mga co-star nina Liza at Enrique na sina Yves Flores, Kit Thompson, Marco Gumabao, Igi Boy Flores, CJ Navato at ang very funny na twins na sina Joj at Jai Agpangan ng PBB.
Pareho-pareho rin ang statement nila patungkol sa bagong love team at kinikilig raw talaga sila tuwing nakakasama nila sa eksena sina Enrique at Liza. Masaya raw ang bonding ng lahat kasama sa buong production dahil madalas silang magkasama sa set nila sa Benguet at Baguio.
Samantala ang Forevermore ay kuwento ng unang pag-ibig ng dalawang taong magkaibang-magkaiba ang mga buhay. Gaganap si Enrique bilang Alexander “Xander” Grande III, ang rebelde at iresponsableng unico hijo ng isang hotel magnate na nagbago ang buhay nang makilala at ma-inlove sa karakter ni Liza na si Marie “Agnes” Calay, ang palaban at masipag na Strawberry Jam Queen ng La Trinidad, Benguet.
Magsisimula ang ugnayan nina Xander at Agnes nang minsang aksidenteng mag-landing ang parachute ni Xander sa isang strawberry truck. Upang maturuan ng leksyon, hinayaan si Xander ng kanyang mga magulang na bayaran ang kanyang nasira sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa isang farm pero tutulungan siya ni Agnes at iba pang magsasaka.
Kasama rin sa cast sina Sophia Andres, Zoren Legaspi, Marissa Delgado, Joey Marquez at parehong nagka-comeback na sina Lilet at Almira Muhlach. Katuwang pala ni Direk Cathy sa direksyon ng Forevermore si Ted Boborol. Kung naibigan at minahal ninyo ang mga unang handog na teleserye ng Star Creatives ng KatNiel na “Princess and I” at “Got To
Believe” ay tiyak na magugustuhan at mamahalin n’yo rin nang buong puso sina Enrique at Liza dito sa Forevermore na mapapanood na simula ngayong gabi, October 27 pagkatapos ng Hawak Kamay sa Primetime Bida ng Kapamilya network.
Ating damhin at yakapin gabi-gabi ang seryeng ito gyud!
Peter Ledesma