ILALAGAY sa pinakamataas na alerto ang buong pwersa ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa sa panahon ng paggunita ng Todo Los Santos.
Iniulat ni PNP chief Director General Alan Purisma, inatasan na niya ang regional police offices sa buong bansa na magpatupad ng security measures kasabay nang pagtataas nila sa full alert status.
Kabilang sa mga gagawing hakbang lalo na sa panahon ng All Saint’s Day sa Nobyembre 1 at All Soul’s Day sa Nobyembre 2, ay pagdaragdag ng mga pulis sa mga sementeryo, sa matataong lugar at transport terminals na ina-asahang bubuhos ang mga pasahero.
Magtatayo ang mga pulis ng assistance hubs alert and quick response teams habang ang Highway Patrol Group ay naatasan din maglagay ng road safety marshalls.
Pag-iibayohin ng mga awtoridad ang intelligence gathering, counter intelligence at police ope-rations upang mahadla-ngan ang mga magtatangkang maghasik ng karahasan.
Inaasahan maglalagay ng dagdag na bantay sa power plants, vital installations gayon din sa telecommunication relay stations.
MMDA maglilinis sa sementeryo
MAGLILINIS ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga pampublikong sementeryo ngayong Lunes bilang pag-hahanda sa Undas.
Ayon kay MMDA Chair Francis Tolentino, maaga pa lamang ay maglilinis na ang kanilang grupo sa Manila South at Manila North Cemetery.
Kaugnay nito, nakiusap si Tolentino sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na ihinto muna ang konstruksi-yon sa Airport Road at Roxas Blvd., upang maiwasan ang pagsisikip ng mga kalsada kasabay ng bugso ng mga magpupunta sa airport at uuwi sa kani-kanilang probinsya.
Nasa 2,000 tauhan ng MMDA ang ikakalat sa mga pangunahing daan upang umalalay sa daloy ng mga sasakyan sa mismong Undas.
Magtatalaga rin ng mga medical team sa Manila South at Manila North Cemtery; Loyola Memorial Park sa Marikina, at sa Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque.