LEGAZPI CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nakuhang spare parts at makina ng motorsiklo sa loob ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) na pinaniniwalaang kinarnap.
Ito ay kasunod nang isinagawang search operations kamakalawa ng pinagsanib na pwersa ng Albay Police Provincial Office, Daraga Municipal Police Office, Legazpi City Police Office at ng Highway Patrol Group sa loob ng nasabing ospital.
Napag-alaman, ang mga narekober na iba’t ibang klase ng mga makina ng motorsiklo ay pag-aari ni Dr. Gabriel Peñaz, isang surgeon na nagtatrabaho sa BRTTH.
Ang nasabing operasyon ay bunga ng ipinadalang tip sa pulisya na nagsasabing isa ang nasabing doktor sa mga pinagdadalhan ng mga ninakaw na motorsiklo.
Sa ngayon, nasa Regional Crime Laboratory na ang mga nakuhang ebidensya at nakatakdang isailalim sa macro-etching upang madetermina kung ito ay tutugma sa mga motorsiklong una nang naipatala na nawawala.
Sakaling mapatunayan na karnap ang mga nasabing motorsiklo, mahaharap sa kasong carnapping ang nasabing doktor.