TATLO katao ang nadakip kabilang ang magkapatid na sinasabing sangkot sa karnaping at pagbili ng nakaw na RTW items na nagkakahalaga ng kalahating milyon kamakalawa sa Parañaque City.
Si Donna Gamad-Peralta at kapatid niyang si Warlito Gamad, ng Brgy. Bugtong, Lipa City, at Ronald Escultor, 31, ng Palanyag, Brgy. San Dionisio, ay nasa kustodiya na ng Parañaque Police.
Sa ulat na natanggap ni Parañaque City Police chief, Sr. Supt. Ariel Andrade, naaresto ang magkapatid na Donna at Warlito dakong 8:20 p.m. ng kanyang mga tauhan sa tulong ng mga kagawad ng Southern Police District (SPD) sa isang follow-up operation sa Lipa City, Batangas
Narekober sa lugar ang isang ten wheeler Isuzu truck (UVL-154) na pag-aari ng chairman ng Brgy. San Miguel, Santo Tomas, Batangas na nangngangalang Jerome Manzanilla, at naglalaman ng RTW items.
Nauna rito, sinabi ng ginang (Donna) na namili sila ng assorted RTW items kasama ang nakababata niyang kapatid na si Sheila alias Edith, na nagkakahalaga umano ng P500,000, nakalagay sa da-lawang aluminum van.
Ngunit nang beripikahin ang produkto, walang maipakitang legal na dokumento si Donna, kaya naghinala ang mga pulis na mga nakaw ito.
Nadiin ang magkapatid na Donna at Warlito nang kompirmahin ni James Limquaco na ang RTW items na nakompiska mula sa mga suspek ay pag-aari niya at nawala ang mga ito (138 sacks) habang nakatago sa pag-aari niyang AMES Warehouse sa 515 Quirino Avenue, Brgy.Tambo, Parañaque City.
Sa patuloy na follow-up operation ng mga awtoridad naaresto si Escultor nang positibong ituro ni Limquaco na siyang tumutok sa kanya ng baril at tumangay ng kanyang Hi-Ace van.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1612, Anti-Fencing Law ang magkapatid na Donna at Warlito habang si Escultor ay sinampahan ng kasong robbery at caranapping sa Parañaque City Prosecutor’s Office.
Jaja Garcia