SINOPLA ni Pres. Noynoy Aquino ang pahayag ng kampo ni Vice Pres. Jejomar Binay nang itanggi niya na nag-alok siya ng tulong sa mga alegasyon ng korapsyon na kinakaharap ng huli.
Para sa kaalaman ng lahat, nagpahayag ang tagapagsalita ni Binay na si Cavite Gov. Jonvic Remulla na si P-Noy umano ang nagtanong kung paano siya makatutulong sa bise presidente sa mga akusasyon ng katiwalian, Naganap daw ito nang dumalaw si Binay sa Pangulo kamakailan.
Pero sa isang pagtitipon ay pinasinungalingan ito ni P-Noy at sinabing kabaligtaran daw ang istorya ng kampo ni Binay kaugnay ng naganap sa kanilang meeting. Hindi raw nag-alok ng tulong ang Pangulo. Sa halip ay si Binay raw ang humingi ng payo kay P-Noy.
Maaalalang ipinagyabang ni Binay na lalong tumibay ang kanilang pagkakaibigan ng Pangulo matapos ang kanilang meeting. Ang hinala ng iba ay ginagamit ni Binay ang pagiging malapit sa pamilya Aquino, mga mare at pare ko, para malusutan ang kinakaharap na problema.
Manmanan!
***
SA pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee ay kinuwestyon ni Sen. Alan Peter Cayetano na kung humiwalay na nga si Binay sa Agrifortuna Inc. noong 2010, bakit siya pa rin ang umaktong may-ari nito sa pagitan ng 2010 at 2013?
Ang Agrifortuna ang nagmamay-ari sa ekta-ektaryang lupain na binansagang “Hacienda Binay” ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado, dahil si Binay raw ang may-ari nito.
Ayon kay Cayetano, si Binay at ang asawa nitong si Elenita ay kabilang sa anim na original incorporators nang simulan noong 1992 ang Agrifortuna Inc.
Nagprisinta si Cayetano ng mga larawan sa pagdinig na nagpapakita sa mag-asawang Jejomar at Elenita Binay habang kasama ang ilang bisita sa naturang lugar noong 2012 at 2013.
Napag-alaman daw ni Cayetano na inililibot din umano ng bise presidente sa lupaing ito sa Batangas ang mga asawa ng mga alkalde.
Ipinakita rin ng senador ang kopya ng artikulong lumabas sa Asian Dragon Magazine mula Marso hanggang Abril 2010 na nagsasaad na si Elenita Binay ang may-ari ng naturang property. Namangha raw ang sumulat ng artikulo dahil ang farm ni Binay ay mukhang resort.
Pero sa lahat ng nagbabagang isyu mula sa “overpriced” umanong pagpapatayo ng Makati City Hall parking building, ang 13 porsyentong tongpats mula sa bawat proyekto, ang 350-ektaryang Batangas property, ang P15-milyon log cabin sa Tagaytay at iba’t ibang kontrobersya ay pawang pagtanggi lang ang sagot ng kampo ng mga Binay.
Ilang ulit inisnab ni Binay ang mga paanyaya ng subcommittee na dumalo sa pagdinig.
Ang hamon ni Binay ay dadalo lang siya kung ang imbitasyon ay magmumula sa mismong Senate Blue Ribbon Committee, na tumugon sa kanyang hamon at nagpadala ng imbitasyon noong Miyerkules. Tutupad naman kaya si Binay sa kanyang hamon, mga mare at pare ko?
Abangan!
***
SUMBONG: “Bakit dito hindi nila mapahinto sugal sa Baguio, sir? Sentro mismo. Kasi lahat ng opisyal dito may suhol.”
***
TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.
Ruther Batuigas