ARESTADO ang tatlong miyembro ng sindikato makaraan mahuli sa aktong gumagawa ng pekeng pera sa isang inn sa Sta. Cruz, Laguna nitong Huwebes ng gabi.
Ikinasa ng pulisya ang entrapment operations sa naturang bayan kasunod nang natanggap na ulat na kumakalat na sa lugar ang mga gumagawa ng pekeng pera.
Ayon sa Sta. Cruz PNP, galing sa Maynila ang mga suspek at nagtungo sa Laguna para ibenta ang mga pekeng pera.
Pinasok ng mga pulis ang kwartong tinutuluyan ng tatlo at nahuling gumagawa ng pekeng pera ang magkapatid na sina Cyrus at Bong Soliman, gayon din ang asawa ng una na si Kin habang gumagamit ng droga.
Nakuha sa kanila ang 33 piraso ng pekeng P500 at 20 piraso ng pekeng P1,000 na ginagamitan nila ng colored pencils para mapatingkad ang kulay.
Nakompiska rin ang ilang sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.
Naibebenta ng mga suspek ng P400 ang isang piraso ng pekeng P1,000 habang P200 ang benta sa kada piraso ng pekeng P500.
Ayon sa pulisya, bahagi ang mga suspek nang mas malaki pang grupo na nag-o-operate sa Maynila at mga karatig-probinsya.
Kakasuhan ang tatlo ng paglabag sa Article 166 ng Revised Penal Code o for-gery of treasury bills and bank notes.