DEDBOL ang apat hindi nakikilalang lalaking sinasabing nag-hijack sa aluminum van ng isang kompanya ng sigarilyo makaraan maka-enkwentro ang Cavite PNP kahapon ng tanghali sa Silang, Cavite.
Sa inisyal na impormasyon mula kay Cavite Police director, Sr. Supt. Joselito Esquivel Jr., dakong 10:30 a.m. nang may mag-report na concerned citizen na may dinukot na driver at dalawang ahente ng Mighty Cigarette sa Brgy. Maguyam, Silang, Cavite.
Agad nag-flash alarm ang Cavite PPO at mabilis na nagsagawa ng operasyon ang buong pwersa ng pulisya na kinabibilangan ng SWAT team, Silang Police at Cavite PPO operatives hanggang sa makatanggap ng impormasyon dakong 12:15 p.m. na namataan ang na-hijack na aluminum van sa Josephine Subdivision sa Brgy. Luksuhin.
Sumugod ang mga pulis sa lugar ngunit nakatunog ang mga suspek sa paparating na mga operatiba kaya agad na pinaputukan ang mga awtoridad na gumanti rin ng putok.
Nang humupa ang ilang minutong putukan ay tumimbuwang na walang buhay ang mga suspek ngunit nakatakas ang isa pa nilang kasama.
Sugatan din sa insidente ang isang miyembro ng SWAT na si PO1 Ruben Cruzado, tinamaan ng bala sa braso at hita.
Habang nailigtas ng mga awtoridad ang driver at dalawang ahente na natagpuang nakagapos ng duct tape sa likorang bahagi ng sasakyan ng mga suspek.
Beth Julian