INIHAYAG ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na gumamit ng dummy corporation si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. para daanan ng kanyang kickbacks mula kay Janet Lim-Napoles.
Sa isinagawang cross-examination sa bail petition ni Revilla sa Sandiganbayan, kinompirma ni Atty. Leigh Von Santos na hindi gumamit ng aliases sa kanyang bank accounts ang senador.
Ngunit makaraan busisiin ang ginamit na Nature Concepts Development and Realty Corporation, nabatid na pag-aari rin ng asawa niyang si Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla ang nasabing kompanya.
Natuklasan ding walang lehitimong negosyo ang korporasyon, bagay na lalo pang nagbigay ng negatibong impresyon sa mga imbestigador.
Sinasabing nagkaroon ng kabuuang P27 million deposito sa account ni Congw. Mercado-Revilla sa loob lamang ng isang buwan.
Habang umaabot sa kabuuang P87 million ang naipondo sa lahat ng iniimbestigahang bank account ng pamilya Revilla.
Ngunit bwelta ng senador, isang lehitimong realty corporation ang kinukwestyon at kaya nila itong patunayan.
Para sa abogado ni Revilla na si Atty. Joel Bodegon, may pagkakataon sila para baliktarin ang naturang mga pahayag ng AMLC at doon nila iisa-isahin ang kanilang mga kasagutan.