NAKATSIKAHAN namin si Maja Salvador sa Araneta Coliseum kamakailan habang nanonood ito ng laro ng Globalport at NLEX sa PBA.
Sa aming pakikipag-uusap, sinabi niyang nagsimula na siyang mag-taping ng kanyang bagong teleserye sa ABS-CBN na muli niyang makakasama si Jericho Rosales.
Unang nagkatambal sina Maja at Jericho sa The Legal Wife. Ayaw munang magbigay ng ibang mga detalye si Maja tungkol sa bago niyang proyekto ngunit isang source ang nagsabing Bridges ang working title ng show.
Habang hindi pa ipinalalabas ang bagong show ni Maja ay kakanta at sasayaw muna siya sa ASAP 19 tuwing Linggo ng tanghali. Katunayan, sinabi rin ni Maja na maganda ang pagtanggap ng mga kababayan nating Pinoy sa lahat ng mga Kapamilya star na nag-show sa Los Angeles para sa ASAP.
Ang Part 2 ng ASAP Live in LA ay mapapanood ngayong Linggo ng tanghali.
Busy din si Maja sa pag-promote ng kanyang album na Believe na kapapanalo lang sa Star Awards for Music.
James Ty III