TAMANG-TAMA sa Araw Ng Patay ang napag-usapan namin ni Direk Romy Suzara dahil tungkol ito sa kanyang dalawang matalik na kaibigang aktor na sina Fernando Poe, Jr. at Rudy Fernandez.
Aniya, bago nagpaalam ang Hari ng Pelikula ay may nagawa na siyang dalawang pelikula nito pero hindi natapos dahil sa biglaang pagkamatay.
Madalas niyang napapanaginapan si FPJ dahil halos gabi-gabi ito nagpapakita sa kanya pero wala naman itong mensaheng iniiwan. “Nakatayo lang siyang nakatingin sa akin. Hanggang may nagsabing dalawin ko ang puntod nito na ginawa ko naman, madaling araw ko itong pinuntahan sa La Loma Cementery. Kinausap ko siya tungkol doon sa pagpapakita niya sa akin sa panaginip at nagulat na lamang ako, biglang lumakas ang hangin at namatay ang kandila. Base roon, naisip kong gusto nitong ipatapos ang pelikulang aming nasimulan.”
Ang mga pelikulang nabanggit ay nangalahati na at pagdudugtungin niya ito. “Kailangan lang namin dito ay ang mga missing link ng istorya at may mga look-alike naman tayo ni FPJ na puwedeng gamitin para matatapos,” pahayag nito.
Plano ngayon ni Direk Suzara na kausapin si Senadora Grace Poe-Llamanzares at Ms Susan Roces tungkol sa proyekto na tiyak tutulungan siya dahil mahal na mahal nila ang namayapang aktor. Ang pelikula ay may titulong Kahit Isang Butil Wala Akong Ititira, na bida rin si Daisy Reyes.
Kung medyo nawala man sa sirkulasyon si Direk Suzara at nabalitang nagpunta ng USA aniya, medyo dinibdib niya ang pagkamatay ni Rudy. Nalungkot siya sa pagkamatay ni FPJ pero lalong kalungkutan ang nadama nang sumunod si Daboy na inalagaan niya mula simula hanggang sumikat. Hindi siya nakapaniwala na may cancer sa pancreas ang aktor dahil malakas ang katawan nito at walang bisyo. “Hindi siya naninigarilyo, hindi umiinom at fit ang pangangatawan pero nagulat na lang kami nang malamang may sakit na pala siya. Sa isang party, nagka-usap kami nang uwian na, kami lang dalawa noon at ang sabi, pag-ingatan ko ang sarili ko. Nami-miss na raw niya ang pelikula kaya naman sabi ko, gagawa kami.
“Sabi niya, sa pagbalik niya mula America pagkatapos ng isang buwan puwede na niyang gawin at nasabi niya, hindi na niya kaya ang action movie kaya sabi ko, love story na lang tulad ng movie ni Richard Geere na ‘Autumn in New York’ na ang partner niya ay mas bata sa kanya. Nakahanda na ang lahat sa pagdating, kaya lang nang dumating siya ay naka-wheel chair na ito at hindi na inabot ng ilang linggo ay pumanaw na.”
Katulad ni FPJ, madalas ding mapanaginipan ni Direk Suzara si Daboy at may mga pagkakataong magkasama sina FPJ at Daboy na nagpapakita sa kanya. “Mabuti na lang hindi ako isinasama ng dalawa. Ha ha ha. Wala namang mensahe si Daboy na gustong iparating. Siguro, gusto lang nitong ipaalala sa akin na ingatan ko ang sarili ko, stay healthy.”
May entry si Direk Suzara sa Sineng Pambansa Plus Horror Film Festival at ito ang Sigaw Sa Hatinggabi na bida sina Regine Angeles, Alvin Roa, at Richard Quan. Ang babala lang ni Direk Suzara, huwag panoorin ang pelikula na nag-iisa dahil tiyak mapapasigaw ka sa bandang huli ng pelikula.
Angelica, nasasaktan ‘pag pinupuna ang katabaan
“Mapapahamak po ako, so hindi ko po siya puwedeng sagutin,” ang tugon ni Angelica Panganiban nang tanungin sa presscon ng pelikulang Beauty In A Bottle ukol sa reaksyon niya sa pagkakadawit sa kaso ni Derek Ramsay na isinampa ng dating asawa ng actor na si Mary Christine Jolly.
Bagamat malaki na ang ipinayat ni Angelica nang makita namin siya sa taping ng Banana Split:Extra Scoop, nagamit pala niya sa Beauty in A Bottle ang katabaan niya. Hindi ba siya na-offend na ibinenta sa istorya ng pelikula ang mabigat niyang timbang?
Nagbiro siya na nagpataba siya para sa role at wala siyang ka-effort-effort na ginampanan ito. Mas naging hamon sa kanya kung paano ang magpapayat.
“Kasi, ‘yun ako, eh. Ako ‘to, eh. Choice ko ‘to. I mean, ngayon gusto kong kumain, mag-enjoy, ayokong mag-makeup, eto ang gusto ko. Katawan ko ‘to. So, kung hindi mo ‘to trip, kung hindi mo gusto, eh ano naman? Hindi rin naman kita gusto. Ha! Ha! Ha! So pantay lang, ‘di ba? It’s a tie,” deklara niya na binibigyan daw niya ng pagkakataon ‘yung iba na i-bash siya.
Aminado rin siya na minsan nasasaktan siya at may impact ‘pag pinupuna ang katabaan niya. Nagpasalamat pa nga siya na may pelikulang Beauty In A Bottle dahil nalulusutan niya ‘yung katabaan niya.
Actually, nandiri rin siya sa katabaan niya nang makita ang sarili niya kaya nagpapayat din siya.
John, lilipat na sa Kapuso Network?
DALAWANG kasalan ang magaganap kina John Prats at Isabel Oli bandang April o May next year.
Ito ang pahayag ni John nang makatsikahan namin sa taping ng Banana Split:Extra Scoop na palabas mamayang gabi sa ABS-CBN 2.
Posibleng sa kanilang farm sa Batangas ang venue dahil Catholic at Christian wedding ang mangyayari. Pagsasabayin na nila ang dalawang kasal sa parehong araw.
Samantala, tinanong ni Zanjoe Marudo si John kung iiwanan na ba sila sa Banana Split:Extra Scoop at Banana Nite. Hindi sumagot si John. Malakas kasi ang alingasngas na mag-o-ober da bakod na siya.
Diretsong tinanong na namin siya kung aalis na ba siya sa ABS-CBN 2? Hindi niya idine-deny na parehong nakikipag-negotiate ang kanyang manager na si Arnold Vegafria sa ABS-CBN 2 at GMA 7. Sa ngayon ay floating ang status niya. Bagamat parang pamilya na ang turingan nila sa Banana Split, open siya kung saan siya maggu-grow. At saka, mag-aasawa na siya kaya mas kailangan niya ng seguridad para sa future ng magiging pamilya niya.
Basta ngayon, samahan muna natin si John at ang buong cast ng Banana Split na magpatawa. Kompleto ang saya ng weekend kasama ang iba pang Kapamilya comedy shows. Panoorin ang Home Sweetie Home tuwing Sabado, 6:00 p.m., LUV U tuwing Linggo pagkatapos ng ASAP 19, Goin’ Bulilit tuwing Linggo pagkatapos ng TV Patrol Weekend.
‘Yun na ‘yun!
Roldan Castro