NAGHIHIMUTOK sa galit ang nanay ng pinaslang na si Jeffrey Laude alyas “Jennifer” makaraang hindi siputin ng akusadong Amerikanong sundalo na si Private First Class Joseph Scott Pemberton ang preliminary investigation sa Olongapo City Prosecutors Office. Hindi lang pala nanay, kaanak ni Jennifer ang galit na galit kundi ilan Pinoy na nananawagan para sa hustisya para sa pinaslang.
Pero ayon sa Korte, oks lang hindi sumipot ang akusado —kalakaran ‘yan e. Ibig sabihin ay basta’t importante raw may representanteng abogadong sisipot sa hearing. Ganoon pala iyon. Napakasuwerteng Kano pero kung isang mahirap na kababayan natin siguro ang akusado, malamang na kakaladkarin siya para humarap sa korte at ibandera pa sa mamamahayag.
Kaya, what’s the use ng magsisisigaw pa sa lansangan…tsk…tsk…lansangan po kasi ang korte ng mahihirap at kung wala ang sigawan sa lansangan ay hindi maririnig ang karaingan ng mga kawawang Pinoy.
Ibig sabihin ay huwag na tayong magtaka sa nangyaring hindi pangangaladkad kay Pemberton sa Korte dahil normal na iyan sa ‘Pinas. Kano at mayayaman ay kapwa may malaking “karapatan” sa bansa habang ang isang kahig, isang tuka ay kulong agad o ‘di kaya paktay agad.
Hindi na kayo nasanay, daming mayayaman na akusado pero nasaan sila kahit na may warrant of arrest? Hindi nakakulong at hindi rin pagala-gala kundi ‘nakakulong’ sa de aircon na kuwarto —hospital.
Kaya kawawa naman tayong mahihirap… kawawa tayong mga Pinoy sa VFA na ‘yan.
Malinaw na ang VFA ay para sa mga Kanong sundalo. Pumatay man sila ng pobreng Filipino sa harap ng publiko ay hindi sila puwedeng basta-bastang arestohin at ikulong sa kulungan ng ‘Pinas.
Dahil sa pangyayari – kay Jeffrey, maraming sumisigaw na ibasura na ang VFA ngunit solusyon ba ang pagbasura? Ayaw man natin aminin, kailangan natin ang pwersa ng Kano para sa seguridad ng bansa. Baka nga kung wala ang mga Kano sa bansa ay matagal na tayong giniyera ng Tsina.
Pero solusyon nga ba ang pagbasura sa VFA? Hindi ba mas maigi kung buksan uli ang VFA? Kalkalin uli ang laman ng pinagkasunduan. Ang makitang palso na higit pumapabor sa mga sundalong Kano ay pakialaman – amyendahan para maging patas.
Katunayan masasabing may mali din tayong mga Filipino, tinitira lang natin ang VFA kapag may nangyaring palso. Noong nangyari kay Nicole, ginahasa raw ng sundalong Kano, nanahimik ang mga nagsisigaw matapos ang kaso sa halip na magtutuloy-tuloy sa pakikipaglaban na ibasura o amyendahan ang VFA.
Yes, ugaling Pinoy—naaalala lang ang isang bagay kapag nand’yan na sa kabila ng marami sanang oras para tabahuin ang pagbasura sa VFA.
Tulad ng nabanggit, rebisahin na lamang ang VFA imbes ibasura.
Ayaw man n’yo tanggapin, kailangan natin ang proteksyon ng mga Kano laban sa nangbu-bully sa bansa natin…laban sa nang-aagaw ng teritoryo natin. Kung wala siguro ang mga ‘Kano (kahit wala pang nangyayaring giyera) marahil matagal na tayong binomba ng kalaban.
Uli, mas maganda siguro kung upuan uli ang VFA at baguhin ang dapat na baguhin imbes ibasura ito.
***
Kunsabagay, hindi natin masisisi ang mga kababayan natin na galit sa VFA. Kahapon nang ilipat ang akusadong Kano sa pagpaslang kay Jeffrey, sa Kampo Aguinaldo, hayun gusto pang itago ng AFP sa mamamayan. Isinekreto ang plano at pinagbabawalan ang mga mamamahayag na kunan ito. Mga ungas!
Almar Danguilan