NAGAGALAK po ang inyong lingkod at nabigyang-pansin ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM) ang nilalaman ng kolum natin noong Oktubre 18 dito sa KurotSundot na may titulong “ANO BA ITONG METRO TURF?”
Sa mga hindi nakabasa ng nasabing kolum, naglalaman ito ng puna ng inyong lingkod at ng mga racing aficionados na tumataya sa mga OTBs tungkol sa dikit na pagtatapos ng ilang kabayo na hindi idinadaan sa photo finish.
Actually, ilang beses na nating pinuna iyon sa ating kolum pero katwiran lang ng Metro Turf ay “hindi magiging batayan sa finish line ang napapanood sa aktuwal na takbuhan dahil may ibang camera na opisyal na kumukuha sa aktuwal na pagtatapos sa meta.”
Sa katwirang iyon ay hindi naresolbahan ang sinasabi nating problema dahil sa tuwing may dikit na pagtatapos sa isang karera ay nanghuhula ang mga mananaya kung photo ba ang laban o kung sino ang nanalo? Dahil sa tingin ng mga nakapanood sa monitor ng cable ay lamang ang nasa balya. Maraming haka-haka na minsan tuloy ay nagreresulta ng maling hinala na niluluto ang resulta ng dikit na laban.
Maging ang mga panelist nga na nagkokober ng takbuhan ay hindi makapagsabi kung sino ang nanalo kapag may dikit na nagkatalo.
Given na ang camera na kumukuha ng aktuwal na laban ay saliwa sa sa finish line. Malaki ang kalamangan ng nasa labas na kabayo. At minsan din nating pinayuhan dito sa ating kolum na i-adjust ang camera na kumukuha sa aktuwal na takbuhan para naman kahit kaunti ay mapantay doon sa camera na kumukuha ng photo finish. Di ba’t ganoon ang napapanood ng mga racing aficionados sa Sta Ana Park at San Lazaro. Halos may ideya na ang lahat kung sino ang nanalo kapag may dikit na nagkakatalo sa meta. Iyon ang hindi magawa ng Metro Turf.
Sa kapakanan ng racing aficionados, narito ang email sa atin ng Philracom na may petsang Oktubre 19:
Dear Mr. Cruz,
Magandang Araw!
Patungkol sa article mong “Kurot Sundot” sa HATAW! Tabloid nakaraang Oktubre 18, 2014, nais ipa-alam ng pamunuan ng Philippine Racing Commission na sa susunod nitong Board Meeting na gaganapin sa Oktubre 22, 2014, tatalakayin ang iyong puna ukol sa “Photo Finish” issue ng Metro Turf.
Ipatatawag ng Komisyon ang Board of Stewards pati na ang Racing Manager ng MMTCI upang magbigay linaw sa nasabing issue.
Makakaasa ang Bayang Karerista sa nararapat at napapanahong aksyon ng Komisyon.
Maraming salamat at mabuhay ka!
Para sa Komisyon