ANO nga kaya ang magiging magic ng ABS-CBN para sa career ni Maxene Magalona?
Palagay naman namin, hindi siya pinabayaan at binigyan din naman ng lahat ng breaks noong siya ay nasa GMA 7 pa. Hindi ba ginawa nga siyang bida agad sa mga teleserye. Marami rin naman siyang assignment noong una, kaya nga lang hindi nakatiyempo ang GMA ng isang proyektong talagang makapagpapa-angat sa kanya. Una, marami namang limitasyon dahil bata pa siya noon. Ngayon siguro puwede na rin siyang magpa-sexy kung kailangan.
Mas ok ngayon ang chances dahil mas marami na siyang magagawa, pero hintayin pa rin natin kung ano nga ang kalalabasan.
Code of Kalantiaw, dapat ibalik dahil sa mga karumal-dumal na kaso
MAGANDA ang kuwentong aming narinig tungkol sa imbestigasyon sa kaso ng pagpaslang sa ina ng aktres na si Cherry Pie Picache. Napanood namin ang detalyadong pangyayari sa isang interview sa mga kinatawan ng PNP sa telebisyon.
Iyon palang ermat ni Cherie Pie na si Mrs.Zenaida Sison ay mabait naman sa kanyang mga kapitbahay, kaya nga todo ang ginawang pagtulong ng mga kapitbahay niya. Bagamat walang direktang nakakita ng pamamaslang sa biktima, marami silang ibinigay na impormasyon sa pulisya, at bago pa man nakuha ang litrato ng criminal na si Michael Flores, nakagawa na sila ng halos eksaktong sketch dahil sa tulong na rin ng mga kapitbahay.
Sinasabi rin ng pulisya na malaki ang tulong na nagawa ng media, dahil sa paglalabas nga ng pictures ng suspect, kaya nang makituloy iyon sa isang kakilala, bistado na siyang suspect sa isang krimen. Pinatuloy daw iyon sa bahay at mabilis na tinawagan ang pulisya sa Sta. Rosa at sinabi ng isang “Aling Beth” na ang suspect ay nasa kanyang bahay. Nahuli nga roon si Flores.
Kung wala ang mga picture na lumabas sa media, maaaring hindi nagsuplong si Aling Beth dahil hindi niya alam na ang nakikituloy pala sa kanya ay isang suspect sa krimen. Maaaring nadamay pa siya sa kaso dahil harbouring criminals iyon.
Kaya talagang naging mabilis ang resolusyon sa kaso. Sa loob ng dalawang linggo ay tapos ang imbestigasyon, at umamin na ang criminal na siya nga ang gumawa at kung paano niya ginawa ang karumal-dumal na pamamaslang sa 75-anyos na babae.
Ngayon, anong parusa naman kaya ang ipapataw ng hukuman sa suspect na iyan na umaming siya mismo ang gumawa ng makahayop na pamamaslang? Isipin ninyo ha, hinataw pa ng kahoy bago sinaksak. Ibig sabihin nakadama ng matinding sakit ang biktima bago namatay. Sana bumalik na lang tayo sa mga batas na kagaya ng Code of Kalantiaw noong araw na ang mga ganyang criminal ay unti-unti ring pinapatay habang nakatali sa langgaman para madama rin niya ang sakit na kanyang ginawa.
Ed de Leon