Monday , December 23 2024

Hacienda Binay hindi akin (‘Dummy’ umamin sa Senado)

102314_FRONT

UMAMIN ngayon ang negosyante na sinasabing ‘dummy’ ni Vice President Jejomar Binay na hindi siya ang nagmamay-ari ng lupain at mga mansyon na nasa loob ng 350-ektaryang Hacienda Binay sa Rosario, Batangas.

Ayon kay Antonio Tiu, presidente ng Sunchamp Real Estate and Development Corp., wala siyang mga titulo at dokumento na magpapatunay na kompanya niya ang nagmamay-ari ng kontrobersyal na Hacienda Binay.

Inamin ni Tiu na ang kompanya niyang Sunchamp ay bumili lamang ng karapatan (usufruct) mula kay Laureano Gregorio para magamit ang Hacienda Binay bilang Agro-Tourism Park.

Kabaligtaran ito ng sinasabi ng Pangalawang Pangulo sa kanyang mga pahayag na si Tiu na ang nagmamay-ari ng Hacienda Binay matapos ibenta ni Binay ang kanyang interes sa Agrfortuna Inc.

Ang Agrifortuna Inc., ang kompanyang itinayo ni Binay noong taon 1994 para magpatakbo ng negosyong babuyan (piggery business) habang nanunungkulan bilang Mayor ng Makati.

Sa masusing pagtatanong ni Sen. Allan Peter Cayetano, inamin ni Tiu na P11 milyon pa lamang ang naibabayad niya kay Mr. Gregorio para magamit ang Hacienda bilang Agro-Tourism Park.

Bahagi umano ito ng P446 milyon na kailangan niyang bayaran para mailipat sa kanya ang pagmamay-ari ng kontrobersyal na asyenda sa Batangas.

Napilitan umamin si Tiu na kailangan niyang mangombinse ng ilang mamumuhuna para mabuo ang Sunchamp dahil matagal nang nalulugi ang mga itinayo niyang kompanya.

Inamin ni Tiu na ang kanyang kapatid na si James Tiu at hipag na si Anne Lorraine Buencamino ang pinakalamaking contributor sa Vice Presidential campaign ni Binay noong 2010.

Nagbigay umano ang mag-asawang Tiu ng P15 milyon para sa kampanya ni Binay.

Nauna nang ibinulgar sa Senado ni dating Makati Mayor Ernesto Mercado na si Binay ang tunay na may-ari ng Agrifina Corp., ang kompanya na nagmamay-ari ng 350-ektaryang agricultural estate sa Barangay Maligaya, Rosario, Batangas.

Nasa loob ng hacienda ang isang air-conditioned na babuyan (piggery), hardin ng mga bulaklak na pambenta (flower orchard) at alagaan ng manok panabong (cock farm).

Matatagpuan din sa loob ng hacienda ang dalawang mansyon, man-made lagoon, at swimming pool.

Magkakasya sa nasabing lupain ang anim na Rizal Park sa Maynila (58-ektarya) at 14 na Quezon Memorial Circle (25-ektarya).

Batay sa mga dokumento na nakuha ni Mercado sa Securities and Exchange Commission, kabilang sa mga shareholders ng Agrifortuna Inc., si Gerardo Limlingan na matagal nang kaibigan ni Binay at si Tomas Lopez na presidente ng University of Makati.

Nauna nang ibinunyag ni Mercado sa Senado na si Limlingan ang ‘bagman’ na tagatanggap ni Binay ng milyon-milyong komisyon mula sa mga kontratista na nakakukuha ng tong-pats sa mga nilutong proyekto ng

Makati City Hall kabilang ang kontrobersyal na Parking Building.

Kabilang din umano si Limlingan sa ‘dummies’ ni Binay sa Meriras Realty and Development Corp., ang kompanya na nagmamay-ari ng 8,877 square meters na lupa sa Makati.

Ang nasabing lupain ay nagkakahalaga ng mahigit P1 bilyon at hindi rin nakadeklara sa SALN ni Binay.

Ayon kay Mercado, ang nasabing lupain ay dating pag-aari ng gobyerno at pinapamahalaan ng 525th Army Engineering Batallion.

Nalipat umano ang titulo ng lupa sa New Meriras Development Corp., noong unang bahagi ng taon 2000 matapos sumailalim sa public lease ang nasabing lupain.

Imbes gamitin para sa mahihirap, sinabi ni Mercado na inilipat ang titulo ng lupa pabor sa New Meriras Development Corp., na pinatatakbo ni Vice President Binay gamit ang kanyang dummies na pinamumunuan ni Erlinda Chong at Gerardo Limlingan.

Sa testimonya niya noon sa Senate Blue Ribbon Sub-Committee, sinabi ni Mercado na si Vice President Binay at ang kanyang asawang si Dr. Elenita Binay ang nagtayo ng kompanyang Agrifortuna Inc., noong 1994.

Nakasaad sa dokumentong nakuha ni Mercado sa SEC na kabilang sa shareholders ng mga Binay sa Agrifortuna Inc., sina Ruben Balane, Victor Gelia at Nestor Alampay, Jr.

Nakapagtataka na noong taon 2008, biglang nawala sa listahan ng shareholders ang mag-asawang Binay.

Ang mga bagong shareholders ng Agrifortuna Inc., maliban kay Limlingan at Lopez, ay sina Laureano Gregorio Jr., Mindanila Barlis at Mitzi Sedillo.

Matatagpuan umano ang kompanya sa ikapitong palapag ng Alpap 1 Building sa Alfaro St., Salcedo Village, Makati.

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *