DAVAO CITY — Dalawang babae, kabilang ang tatlong-buwan buntis, ang dinakip ng Army unit nang walang arrest warrant sa Davao Oriental.
Inihayag nila sa media na sila ay hinaras at iginiit ng mga sundalo na sila ay rebel surrenderees.
Sa panayam, sinabi nina Angelita Salientes, 20, tatlong buwan buntis, at Lovely Jean Madinajon, 19, sila ay dinampot dakong 11 p.m. sa joint army and police checkpoint sa public market ng Manay, Davao Oriental.
Aniya, lulan sila ng motorsiklo pauwi sa kanilang bahay nang sila ay pahintuin para inspeksi-yonin. Sa simula, sila ay hinuli dahil walang lisensiya ang kanilang driver. Ngunit kalaunan ay pinakawalan ang driver ngunit sila ay pinigil, pahayag ni Salientes.
Anila, sila ay inikot-ikot sa bayan ng Caraga at dakong 2 a.m. ay dinala sila sa headquarters ng 701st Infantry Battalion sa Brgy. Don Martin Marundan, Mati City.
Anila, isinailalim sila sa inte-rogasyon ng iba’t ibang indibidwal na hindi nila kilala. At hindi rin anila sila pinakain.
Sinabi ni Sandra Campos, staff ng human rights group Karapatan Southern Mindanao, nabatid lamang niya ang naganap na “illegal arrest” sa dalawa nitong Martes kaya kumilos para sagipin ang dalawang biktima.
Ani Campos, nang dumating sila sa headquarters, naabutan nilang umiiyak ang dalawa, kaya kinompronta nila kaugnay sa insidente ang “non-uniformed” Army personnel. Aniya, kinuha nila ang dalawang babae at isinakay sa kanilang kotse saka tumawag ng pulis upang ireklamo ang mga sundalo.