ISANG dahilan kung bakit nanalo ang San Miguel Beer sa una nitong laro sa PBA Philippine Cup kontra Rain or Shine noong isang gabi ay ang pagbabago ng sistema ng Beermen sa ilalim ng bago nilang coach na si Leo Austria.
Binigyan ng awtoridad si Austria na baguhin ang sistema ng SMB dahil sa masamang laro ng Beermen sa mga nakalipas na torneo kahit malakas ang lineup nila.
“We’ve been criticized the previous years because they’re expecting a lot from our team,” wika ni Austria pagkatapos ng 87-79 panalo kontra Painters. “But hindi nangyayari yung expectations nila. I hope this time, it’s going to be a good start for us. Inalis naming yung dating sistema dahil hindi nagwo-work sa amin. I’m happy to work with this team for two months.”
Nanguna sa panalo ng Beermen sina Arwind Santos at Junmar Fajardo na nagsanib para sa 32 puntos at 20 rebounds.
“On offense, we want it deliberate. We want to take advantage of June Mar, kailangan i-capitalize namin yun. Dahil marami kaming shooters,” ani Austria.
Humataw si Fajardo ng sampung puntos sa huling quarter para putulin ng Beermen ang rally ng Painters.
“Nung dumating kami nang Sabado, nagpahinga ako ng dalawang araw then ensayo na ng Martes,” ani Fajardo. “OK lang sa akin yun kasi kailangan magsakripisyo. Gusto naming manalo ng championship eh.”
Sa panig ng Rain or Shine, hindi nakapaglaro sa second half si Paul Lee dahil sa kanyang pilay sa tuhod at maraming mga mintis na free throw ang nagpabagsak sa tropa ni coach Yeng Guiao.
“We had a chance to win the game after we kept it close in the fourth quarter. The real culprit was that we had too many missed free throws,” pahayag ni Guiao.
Sinabi naman ni Lee na hindi seryoso ang kanyang pilay at makakalaro siya para sa ROS kontra Blackwater Sports bukas.
“Swerte pa rin, na-hyperextend lang (tuhod ko),” ani Lee.
James Ty III