NAKAHANDA na ang mga pasilidad at kagamitan ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) kontra Ebola.
Naglagay ng screening area sa bungad ng RITM para sa mga pasyenteng galing ng West Africa o nagkaroon ng contact sa virus. Sa triage screening tent ay aalamin ang background ng pasyente, pinanggalingang bansa at kung nagpapakita ng sintomas ng Ebola.
Kung walang sintomas, isasailalim sa 21 araw na home quarantine at oobserbahan.
Habang idideretso ang mga magpapakita ng sintomas sa treatment area ng RITM at nakaabang dito ang mga negative pressure isolation room para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Nakahanda na rin ang mga intensive care unit (ICU) at ward na kayang tumanggap ng 36 pasyente kada araw.
Handa na rin ang mga personal protective equipment sa isang kwarto ng RITM kabilang dito ang mga bota, medical mask, at gown para sa mga health worker.
Muling tiniyak ng Department of Health (DoH) na handang-handa na ang RITM , sinasanay na ang mga health worker at sapat ang suplay ng medical equipment.
Ayon kay DoH Secretary Dr. Enrique Ona, nakatakdang isailalim ng RITM, DoH at World Health Roganization (WHO) sa pagsasanay ang mga health care professional para matiyak ang kahandaan ng mga pampubliko at pribadong ospital sa pagharap sa banta ng Ebola.