NANINIWALA si Purefoods Star coach Tim Cone na kaya ng kanyang koponan na mamayagpag at idepensa ang korona sa PBA Philippine Cup kahit na pinanatili niyang intact ang line-up ng kanyang koponan.
Ito’y ipakikita nila sa duwelo nila ng Alaska Milk mamayang 7 pm sa Smart Araneta coliseum sa Quezon City.
Magpupugay naman sina coach Norman Black at Koy Banal sa kanilang bagong koponan sa 4;15 pm laban ng Meralco Bolts at Barako Bull.
Minabuti ni Cone na huwag galawin ang line-up ng Purefoods Star (dating San Mig Coffee) dahil naniniwala siyang bubuti pa ang kanyang mga manlalaro.
Pangunahing inaasahan niyang gaganda ang laro ay si James Yap, ang two-time Most Valuable Player na nangapa noong nakaraang season bunga ng injuries.
Makakatuwang ni Yap sina Marc Pingris, Peter June Simon, Mark Barroca at Joe DeVance.
Ang Alaska Milk, na hawak ni coach Alex Compton, ay may tatlong bagong manlalaro sa katauhan ng beteranong si Eric Menk at mga rookies na sina Chris Banchero at Rome dela Rosa.
Ang Aces ay pamumunuan nina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, Joaquim Thoss, JVee Casio at Dondon Hontiveros.
Pinalitan ni Black bilang coach ng Bolts si Paul Ryan Gregorio na ngayon ay alternate governor ng team.
Si Black ay sasandig sa mga beterano ng Asian Games na sina Gary David at Jared Dillinger na susuportahan nina Reynell Hugnatan, Mike Cortez, Sean Anthony at Cliff Hodge.
Pinalitan naman ni Banal bilang head coach ng Energy si Siot Tanquingcen isang araw bago nagbukas ang 40th season ng PBA.
Kinuha ng Energy ang mga rookies na sina Jake Pascual at Phillip Paredes at pagkatapos ay kinuha rin sina RR Paredes buhat sa Globalport at Chico Lanete buhat sa San Miguel Beer.
Nagbabalik sa Barako Bull sina Mick Pennisi, Dennis Miranda, JC Intal at Carlo Lastimosa.
Sabrina Pascua