WALANG nakikitang problema ang PBA D League sa pagpirma ni Chris Newsome sa Hapee Toothpaste para sa Aspirants Cup na magsisimula sa Oktubre 27 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sa lingguhang forum ng Philippine Sportswriters Association (PSA) kahapon sa Shakey’s Malate, sinabi ng operations director ng PBA na si Rickie Santos na walang isinumiteng ebidensiya ang Tanduay Rhum na nagsasabing sila ang may hawak sa playing rights sa dating manlalaro ng Ateneo Blue Eagles kahit napili siya ng Rhum Masters sa rookie draft ng D League.
“Tanduay submitted their tender offer without the signature of Newsome and after the five-day period lapsed, he was free to sign with any team like Hapee,” wika ni Santos. ”Newsome is a free agent.”
Isa si Newsome sa mga inaasahang magpapalakas sa lineup ng Fresh Fighters kasama ang ilang mga manlalaro ng San Beda College sa NCAA, kasama na rin sina Bobby Ray Parks, Arnold Van Opstal, Garvo Lanete at Kirk Long.
Labing dalawang koponan ang kasali sa Aspirants Cup sa pangunguna ng Hapee, Tanduay, Café France, Cebuana Lhuillier, AMA Computer University, Bread Story-LPU, Wang’s Basketball, MP Hotel, Jumbo Plastic, MJM M Builders/FEU, Racal Motorsales at Cagayan Valley.
“All the teams are balanced so even without NLEX and Blackwater, we will still have an exciting D League,” ani tournament director Eric Castro. “We will also see a new breed of young players.”
Bukod kay Newsome, isa pang atraksyon sa D League ay ang top rookie pick ng liga na si Moala Tautuaa na lalaro para sa Cagayan Valley.
“Nakausap ko ang agent ni Moala at sinabi niya na sa November pa siya lalaro dahil nasa top 2 ang team niya sa ABL,” pahayag ng assistant coach ng Rising Suns na si Nonoy Bonleon.
Sa Oktubre 27 ay maglalaban ang Café France at MP Hotel sa alas-12 ng tanghali at Cebuana Lhuillier kontra Racal Motor sa alas-2 ng hapon.
Magsasagupa naman ang AMA at Wang’s sa ikatlong laro sa alas-4.
Ipapalabas ang lahat ng mga laro ng D League sa IBC Channel 13 tuwing Lunes at Huwebes mula alas-7 hanggang alas-11 ng gabi sa tulong ng blocktimer na Asian Television Content Corporation.
James Ty III