SINIBAK sa kanilang pwesto ang 11 pulis sa Victoria, Laguna.
Ito’y kaugnay sa pagkakapaslang sa dalawang lalaki, kabilang ang isang menor de edad, sa bayan ng San Pablo.
Ayon kay PNP-PIO, Senior Supt. Wilben Mayor, mayroon nang isinasagawang imbestigasyon ang pulisya hinggil sa nasabing kaso.
Giit ni Mayor, ang pag-relieve sa 11 pulis ay para mabigyang-daan ang patuloy na imbestigasyon hinggil sa nasabing insidente.
Sa kabilang dako, tiniyak ng San Pablo Police, magiging patas sila sa imbestigasyon kahit mga kabaro nila ang posibleng mga suspek.
Kabilang sa sinibak sa pwesto ang mismong chief of police ng Victoria at ang 10 niyang mga tauhan.
Kinilala sa mga suspek si Victoria police chief, Senior Inspector Jerry Abalos; ang kanyang deputy na si Inspector Jesus Labrador; at sina Senior Police Officer 1 Alexander Asis; POs2 Chris Vergara, Romano Calucag, Ronald Sumilang, Jerry Ohagan, Benedict Mercado, at POs1 June Armanda, Jemarco Nollido at Serafin Inte Jr.
Ayon kay Laguna Police Provincial Director, Senior Supt. Florendo Saligao, kanya nang isinailalim sa restrictive custody ang mga akusado habang iniimbestigahan ang pagkamatay nina Raymond Reyes at Alfred Magdaong.
Kinompirma rin ni Saligao na ang service firearms ng mga nasabing pulis ay isasailalim sa paraffin at ballistics tests.
Magugunitang natagpuang walang buhay at may tama ng bala sa ulo ang mga biktima at nakaposas ang mga kamay sa Sitio Maabo dakong 4:20 a.m. nitong Sabado.