NAGKASAMA na palang manood ng sine sina Rayver Cruz at Kylie Padilla ng pelikula ni Liam Neeson na A Walk Among the Tombstone, ito ang nangingiting sabi ng aktor sa presscon ng Dilim na palabas na bukas sa maraming sinehan nationwide.
Biglang bawi ni Rayver, “pero hindi kaming dalawa lang, may mga kasama kami.”
Ha, ha, ha, ha nilinaw kaagad ni Rayver dahil baka puntahan siya ni Robin Padilla?
Anyway, mahigpit si Binoe sa mga anak niyang babae lalo na kay Kylie dahil nga minsan na itong nakipag-relasyon sa lalaking hindi pabor ang aktor kaya ngayon ay halos araw-araw niyang pinagsasabihan ang dalaga na huwag na munang magbo-boyfriend.
Aware pala si Rayver dito at ayon sa kanya, nirerespeto niya si Kylie kaya ingat na ingat siya sa pagkakaibigan nila.
“Madali namang ingatan ang pagkakaibigan. Ako naman kapag nagkaroon ng kaibigan talagang kaibigan, hindi dahil sa trabaho lang, hindi naman ako shooting friend.
“So, kahit na hindi man maging kami katulad ng gusto n’yo (entertainment press), mananatiling kaibigan ko siya (Kylie), kasi ako, looking forward pa akong magkaroon ulit kami ng project together kasi masaya talaga siyang kasama,” pahayag ng binata.
Oo nga naman, napaka-gentleman ni Rayver at maski ipagtanong pa ‘yan sa lahat ng babaeng nakasama niya sa lakaran at maski na rin sa mga naging girlfriend niya.
Anyway, walang regular show si Rayver sa ABS-CBN maliban sa ASAP kaya nalulungkot siya kapag tinatanong kung ano ang next serye niya dahil ang huli niyang ginawa ay ang Bukas Na Lang Kita Mamahalin kasama sina Gerald Anderson, Cristine Reyes, at Ms Dawn Zulueta.
Bagamat malapit nang mag-expire ang kontrata ni Rayver sa ABS-CBN ay wala naman daw siyang planong lumipat.
“Wala pa namang ganoon,” mabilis na sabi ng binata.
Sabay singit ni Kylie, “kung lilipat ka, ako magiging leading lady mo.”
Hayan, inviting na si Kylie, sabi namin kay Rayver na natatawa lang.
Katwiran ng aktor, “hindi naman kasi ako mainiping tao, eh, hindi ako nagmamadali. Alam ko na may ibibigay at ibibigay sa aking project ang ABS, sa tagal ko naman sa kanila kaya I’m pretty sure na bibigyan ako.”
Sa ginanap na premiere night ng Dilim ay wala si Rayver dahil nasa Australia siya at diretsong Canada para sa TFC shows, kaya nakikiusap siya na sana tangkilikin ang unang pelikula nila ni Kylie at hoping na muling masundan pa.
Alex, humihina na raw ang katawan
NAWAWALAN na ng pag-asa ang karakter ng Kapamilya leading lady na si Alex Gonzaga sa top-rating primetime teleserye ng ABS-CBN na Pure Love ngayong nauubos na ang kanyang panahon upang makuha ang huling dalawang “pure love tears” na kinakailangan niya para muling mabuhay.
Sa paglipas ng mga araw at paghina ng kanyang katawan, mas magiging mahirap para kay Diane (Alex) na tapusin ang misyon sa pagtuklas niya sa mga lihim ng mga taong inaakala niyang tunay na nagmamahal sa kanya.
Mapipigilan pa ba ni Diane ang masasamang plano ng fiance niya na si Raymond (Arjo Atayde) laban sa kanyang pamilya sa tulong nina Dave (Joseph Marco) at Ysabel (Yen Santos)? Ngayong unti-unti na siyang binibigo ng mga tao na kanyang inaasahan, may pag-asa pa ba si Diane na makuha ang kanyang huling dalawang “pure love tears” na kailangan niya?
Samantala, base sa datos mula sa Kantar Media noong Martes (Oktubre 14), nakamit ng Pure Love ang bagong all-time high national TV rating nito na 25% o doble ng nakuha ng katapat nitong serye sa GMA na Seasons of Love (12.2%).
Halaw sa hit 2011 Korean TV series, ang local adaptation ng Pure Love ay sumesentro gabi-gabi sa kahalagahan ng tunay na pagmamahal at ang katatagan ng relasyon ng pamilyang Filipino.
Patuloy na tuklasin ang tunay na halaga ng pagmamahal at pamilya sa primetime’s newest sensation, Pure Love, gabi-gabi bago mag-TV Patrol sa ABS-CBN’s Primetime Bida. Para sa karagdagang impormasyon, mag-log on sa ABS-CBN.com, sundan ang @PureLovePH sa Twitter, at i-”like” ang official Facebook page ng show saFacebook.com/purelovetheofficial.
Reggee Bonoan