NANG dahil sa walang kamatayan niyang pakikipagkaibigan kay PNP Chief Director General Alan Purisima ay unti-unting nawawasak si President Aquino.
May mga nakapuna na ang “tuwid na daan” na dinesenyo ni PNoy para sa gobyerno ay puwede raw palang masapawan kung isang kaibigan na pinaniniwalaang tagapagligtas niya sa isang pananalakay maraming taon na ang nakalipas, ang masasagasaan.
Nilabag ni Purisima ang mga umiiral na batas nang tumanggap ng mga regalo – tulad ng hindi kapani-paniwalang “diskuwento” sa pagkakabili ng kanyang P1.5-milyon Toyota Land Cruiser at ang konstruksyon ng opisyal na tahanan ng PNP Chief na tinaguriang “White House” sa loob ng Camp Crame na umabot ng P12 milyon, nang wala si-yang ginagastos ni kusing.
Dapat suriin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kung ang mga taxpayer na nagdonasyon kay Purisima ay kayang magbigay ng malaking halaga at kung sinusuportahan ito ng kanilang mga ne-gosyo, at hindi nasangkot sa alin mang dati o kasalukuyang transaksyon sa gobyerno.
Nais ng grupong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na maimbestigahan din ang anak ni Purisima na si Rainier Von sa pagmamay-ari nito ng isang poultry farm sa Nueva Ecija na mahigit P90 milyon umano ang halaga, kahit “walang kapasidad para bilhin ang naturang property.” Naniniwala sila na ginagamit siyang “dummy” sa “tagong yaman” ng ama.
***
Kahit ang buong PNP ay nawawasak kay Purisima. Kinasuhan siya ng “plunder” at “indirect bribery,” inakusahang may hindi maipaliwanag na yaman, at hiniling na magbitiw sa puwesto sa panahong tumataas ang bilang ng krimen, at maraming pulis ang nauugnay rito. Kung ang pinuno raw ay pinagdududahan, hindi kataka-takang ganu’n din ang nasasakupan.
Sa kasagsagan ng kontrobersya na kinakaharap ni Purisima ay sinibak ni Interior Secretary Mar Roxas ang apat sa limang chief of police ng Metro Manila, upang mapalakas daw ang kampanya nila laban sa kriminalidad. Pero magdulot kaya ito ng malaking pagbabago kung ang mismong nasa tuktok ng pulisya ay pinaghihinalaang umabuso sa kapangyarihan?
***
Tinanong ako ng kaibigan kong si Pepito noong isang araw kung kilala ko nang personal si PNP Chief Purisima. Umiling ako at gayon din siya nang sabihing: “Sayang ang oportunidad!”
Nang tanungin ko kung bakit, ang sagot niya: “Inakala kong baka puwede niya akong iendorso sa tao na nagbenta sa kanya ng kanyang 2013-model, bullet-proof Toyota Land Cruiser Prado sa presyong P1.5 milyon lamang. Gusto ko rin ng isa sa ganu’n ding halaga.”
***
Ang gusto ni Senator Miriam Defensor-Santiago ay “itapon sa itaas” si Purisima kung hindi kayang sibakin ni PNoy ang kanyang kaibigan sa PNP.
Naaalala ko rito ang “Peter Principle” ni Peter Drucker. Ito ay isang konsepto sa management theory na ang pagpili ng kandidato para sa po-sisyon ay batay sa ipinakita ng kandidato sa kasalukuyan niyang trabaho, at hindi sa mga abilidad na kakailanganin sa kanyang gagampanang papel. Sa ganitong paraan, ang mga empleyado ay natitigil lang na mabigyan ng promosyon kung hindi na nila kayang magtrabaho nang maayos, at ang mga manager ay “tumataas sa lebel ng kawalan nila ng silbi.” (Wikipedia)
Kung si Purisima ay muling mapo-promote (mula PNP Chief ay maging miyembro halimbawa ng Gabinete o sa posisyong ambassador), magagampanan kaya niya nang mas mabuti ang trabaho o muling tataas “sa lebel ng kawalan niya ng silbi?” Hindi ba ito muling pag-aaksaya sa buwis na ibinabayad ng mamamayan?
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert Roque