DUDA ang pulisya kung talaga bang naholdap ang 12-anyos bata habang naglalako ng pandesal sa Deparo, Caloocan City.
Matatandaan, kumalat sa social media ang video ni “Bryan” habang umiiyak at nangangatog makaraan tangayin ang kanyang P200 kita sa pagtitinda ng pandesal.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan Police, gumawa lang ng kwento ang bata dahil sa takot na mabugbog muli ng nanay kapag wala siyang naiuwing kita.
Dahil din sa takot sa ina kaya nangangatog ang bata sa video.
Lumabas pa sa im-bestigasyon, ikatlong pagkakataon nang sinabi ng bata na naholdap siya.
Nakausap ng Caloocan Police ang traffic enforcer na unang nilapitan ng bata para sabihing natangay ang pera niya.
Ayon sa enforcer, nang tanungin niya si “Bryan” kung saan nagtungo ang holdaper ay paiba-ibang direksyon ang itinuro ng bata at pabago-pabago rin ang salaysay.
Hinala ng mga kapitbahay ng bata, tinuruan lang ng mga kaanak si “Bryan” na magsinungaling at sabihing tinutukan siya ng patalim at hinoldap para hindi mabugbog ng nanay.
Kombinsido rin ang mga pulis na hindi suspek ang lalaking itinuro sa kuha ng closed circuit television (CCTV) dahil matao anila ang lugar na sinasabing pinangyarihan ng pagholdap sa bata.
Hindi rin naniniwala ang mga kapitbahay sa sinasabi ng ina ng biktima na tumatakas lang ang bata para magtinda ng pandesal dahil apat na taon na siyang naglalako ng tinapay habang nag-aaral.
Pinag-aaralan ng pulisya kung kakasuhan ang nanay ng bata dahil sa pambubugbog sa anak at kung ipakokonsulta sa psychiatrist ang bata.
Habang nilinaw ng Caloocan Police na hindi pa nila tuluyang isinasara ang kaso.