MUKHANG hindi type ni Justice Secretary Leila De Lima ang isyu ng pagpaslang kay Jeffrey Laude a.k.a. Jennifer ng sundalong Amerikano na si Joseph Scott Pemberton.
Patuloy ang pagsuporta ng grupong Gabriela sa pamilya ni Laude bilang protesta sa karahasan at krimen na ginawa ni Pemberton sa transgender na si Jenny, pero marami ang nagtataka na wala ‘ata tayong marinig na ano mang pahayag mula sa Kalihim ng Katarungan na isang babae.
Maging sa social media ay sandamakmak ang reaksiyon ng netizens dahil sa paghihirap na inabot ni Jennifer sa kamay ng sundalong Kano na si Pemberton.
Muli uminit ang mga pagtutol sa Visiting Forces Agreement (VFA) ng Estados Unidos sa ating bansa.
Lumalakas na naman ang mga boses ng pagtutol laban sa VFA dahil kung tutuusin umano hindi lang ‘yang pagpaslang ni Pemberton kay Laude ang usapin, marami pang maliliit na kaso na hindi na lang umano inirereklamo ng mga naaagrabyadong Pinoy o Pinay sa mga lugar kung saan nagsasagawa ng exercises ang pwersang Amerikano.
Dati ay napakabilis magbigay ng pahayag o reaksiyon ni Secretary De Lima sa ano mang isyu lalo na kung malalaking tao ang nasasangkot.
Akala natin ay consistent siya sa ganitong klase ng pagkukrusada bilang Kalihim ng Katarungan, hindi pala.
Mayroon din palang panahon na nananahimik si Madam Leila lalo na kung Kano ang nasasangkot?!
Kung kailan pa naman kailangan ang kanyang “fiery attacks” ‘e ngayon pa siya mistulang dinaanan ng anghel sa katahimikan.
Madam Leila, kung ikaw man ay nananahimik dahil masyado mong pinag-iisipan kung paano sasawsaw ‘este sisingkaw, ay mali na naman, kung ano ang magiging posisyon ng Department of Justice sa ‘kustodiya’ ng suspek na sundalong Kano na si Pemberton habang nililitis ang pamamaslang kay Jenny ‘e palagay natin kailangan ninyong bilisan ang pag-aanalisa sa pangyayari para maging malinaw sa mamamayang Filipino na ikaw ay nararapat pa d’yan sa iyong pwesto.
Kayo po ay inaatasan ng Republika ng Pilipinas bilang Kalihim ng Katarungan na tumatanggap ng suweldo mula sa mga mamamayang tapat na nagbabayad ng buwis, na magsalita laban sa pang-aabusong naranasan ng kababayan nating si ‘Jenny’ sa mapang-abusong dayuhan na si Pemberton.
Lalaki, bakla o transgender man na maikakategorya si ‘Jenny’ siya ay nanatiling isang Filipino at higit sa lahat ay isang tao at biktima ng isang krimen.
Hanggang sa kamatayan, si ‘Jenny’ ay may karapatan sa kanyang dignidad bilang tao at ano mang paglabag laban dito na ikinatubos ng kanyang buhay ay responsibilidad ng Estado na ibalik sa kanya sa pamamagitan ng mga prosesong pangkatarungan.
Sana po ay napukaw ng inyong lingkod ang inyong nanahimik na diwa, Justice Secretary Leila De Lima, para sa karapatan ni ‘Jenny’ na makamit ang katarungan, kahit ang kanyang katawan na nakaranas nang walang pangalawang pang-aabuso ay anim na piye nang nakabaon sa lupa.
Uulitin ko Madam Leila, ngayon ang panahon para atakehin ang mga pwersa o elementong walang pagrespeto sa mga nilalang na may buhay — lalo sa isang tao.