ITO naman po ay hindi pananakot, kundi isang babala.
Kung tayo po ay nag-aalala sa sinasabing EBOLA Virus mula sa Western Africa at hindi magkandaugaga ang United Nations (UN) sa pagbibigay ng anunsiyo sa buong mundo, e ang masasabi lag natin, ‘SISIW’ po ‘yan sa kahaharaping ‘VIRUS’ ng mga Pinoy sa 2016.
Ang tawag daw po sa VIRUS na ‘yan ay ‘BOLA’ virus.
Bago po matapos ang 2014, malamang ‘e kumalat na ang ‘BOLA’ virus na ang mga ‘carrier’ ay mga ‘POLITIKO.’
Mag-EELEKSIYON na po kasi sa 2016.
Kaya matindi na naman ang gagawing pambobola ng mga politiko sa sambayanang Pinoy.
Malamang d’yan tayo manghina — sa BOLA virus na dala ng mga politiko.
Lahat ng panunuyo ‘e gagawin ng mga polpolitiko ‘este’ politikong ‘yan para masungkit ang sagradong boto ng mamamayan.
Nariyan na yayakapin nila ang mahihirap, sasabayan kumain sa palengke, mangangako ng sangkaterbang benepisyo o ginhawa sa buhay.
Pero kapag nakaupo na ‘yang mga ‘yan, subukan ninyong puntahan sa mga opisina nila, tingnan natin kung masilayan man lang ninyo ang mga pagmumukha n’yan.
Malamang sa gwardiya pa lang ‘e laglag na kayo, swerte nang makausap ninyo ang kanilang sekretarya.
At kung makapasok man kayo ang sasabihin ay: “pasensiya na muna…wala pang budget si Sir.”
Ganyan katindi ang ‘BOLA’ virus ng mga politiko.
Kaya sa ating mga kababayan, magising na po tayo, huwag nating ipagpalit ang boto natin sa dalawang ‘piso’ o kahit 1-0-0-0 pa …
Isipin po ninyo ang kinabukasan ng inyong mga anak at apo …
Inuulit po ng inyong lingkod …ngayon pa lang ‘e MAG-INGAT sa ‘BOLA’ VIRUS.