KAKASUHAN ng serious illegal detention at alarm and scandal ang isang tindero makaraan i-hostage ang isang pampasaherong bus kahapon ng umaga sa North Luzon Expressway (NLEx) sa Guiguinto, Bulacan.
Hawak ang isang patalim, ini-hostage ni Lauro Sanchez ang Everlasting bus sa Sta. Rita Toll Plaza ng NLEx.
Ayon sa isa sa mga pasahero, galing Tuguegarao, Cagayan ang bus patungong Cubao, Quezon City.
Aniya, sa Cauayan, Isabela sumakay si Sanchez na sinasabing nagtitinda ng shorts at taga-Balangon, Batangas.
Pagsapit ng toll plaza dakong 6:30 a.m. inilabas ng suspek ang patalim saka nagdeklara ng hostage. Hiniling niyang makausap ang media at humingi ng sasakyan at driver.
Sinasabing inirereklamo ng hostage taker ang ilang tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group na sinasabing nag-set-up sa kanya at pinagbintangan siyang magnanakaw.
Nagawang mapasok ng pulisya ang bus nang magpanggap na driver ang isa sa mga pulis. Nanlaban ang suspek kaya nasugatan niya ng patalim ang dalawang pulis. Tumagal nang mahigit dalawang oras ang hostage taking bago ganap na naaresto ang suspek at nailigtas ang lahat ng mga pasahero.
Micka Bautista