ISANG mambabasa natin ang nag-text sa atin tungkol sa masamang kalakalan sa pagdalaw sa mga preso sa kulungan sa Malabon City.
Pakinggan natin ang kuwento ng ating texter:
Mr. Venancio, dumadalaw ako sa isang kaibigan na nakakulong dyan sa Malabon Jail sa Catmon. Marami sa mga preso ang nagkakasakit at namamatay dahil sa hirap na nararanasan nila. Higa at upo lang ang puede nilang gawin. Lalo na sa walang dumadalaw, nakakaawa talaga ang mga sinapit ng preso dun. Marami sa kanila ang nakasuhan ng mabigat na kaso dahil sa mga hulidap na pulis. Tinataniman lang nila ng kung ano-anong ebidensya. Tapos ‘yung pamilya ng mga preso hirap silang dalawin. Kasi kailangan may pera ka talaga. Kasi ‘yung dadalawin mo kailangan magbayad ng P40. ‘Yun naman para sa pondo ng kanilang selda at ang mga preso naman ang makikinabang. Ang masama ay ‘yung magbayad ka ng P30 para yung dinadalaw mo ay makalabas sa selda. P30 ang bayad para sa 1pm to 3pm lang. Ngayon yung extend ka ng 3pm to 5pm, dagdag P30 ulit. Kaya bale P60 ang yung kailangan bayaran para sa 1pm to 5pm na makakausap mo sa labas ng selda ang iyong dinadalaw. Napakabigat nun para sa pamilya ng mga preso at yun ay napupunta lang sa empleyado.
Sir, sana magawan ng paraan ito lalo na ni Congresswoman Jaye Lacson ang mapagsamantalang pamamalakad ng mga BJMP dyan sa Malabon. ‘Di ba sila kuntento sa malaki nilang sahod at kailangan pa nilang mangurakot sa mga kamag-anak na dalaw ng preso? Magkaron naman sila ng awa sa pamilya ng mga preso na hirap sa buhay. Puede naman sana, hindi na magbayad para lang makalabas sa selda ang kanilang dinadalaw. At sana yung mga preso dyan a makalakad-lakad manlang, parang exercise… nang hindi naman sunud sunod ang namamatay. Huwag nyo nalang po i-publish anu number ko. Salamat. – Concerned citizen
Hindi si Cong. Lacson ang kailangan n’yong tawagan kundi si DILG Sec. Mar Rojas dahil nasa ilalim ng ahensya nya ang BJMP.
Teka, sino ba ang warden d’yan sa Ma-labon Jail? Imposibleng hindi n’ya alam ang masamang pinaggagawa ng kanyang mga tauhan d’yan?
Imbestigahan!
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio