WALANG ideya ang Palasyo kung pag-uusapan ang kaso ng pagpatay sa Filipina transgender ng isang US serviceman, sa paghaharap ngayon nina Pangulong Benigno Aquino III at US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg sa ika-70 anibersaryo ng Leyte Landing sa Palo, Leyte.
“Ang okasyon po ay ‘yung 70th anniversary ng Leyte Landing. Wala po tayong impormasyon hinggil sa inyong tinatanong,” tugon ni Communications Secretary Herminio Coloma nang tanungin kung makakasama sa agenda ng pagkikita nina Aquino at Goldberg ang Jeffrey “Jennifer” Laude murder case.
Giit ni Coloma, nagkasundo ang pamahalaan ng Filipinas at US na magtutulungan upang mabig-yan ng hustisya si Laude.
Pangungunahan ni Pa-ngulong Aquino ngayon ang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng pagdaong sa Palo, Leyte ng allied forces sa pangunguna ni General Douglas McArthur na naging hudyat ng paglaya ng Filipinas sa kamay ng mga mananakop na Hapones.
US marine ‘di siguradong darating (Sa transgender slay probe)
HINDI matiyak ng Embahada ng Estados Unidos kung sisipot ang suspek na si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton sa preliminary investigation ng pagkamatay ng transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer.
Batay sa pahayag ng US Embassy, nakadepende kay Pemberton kung dadalo sa naturang pagdinig na itinakda sa Martes, Oktubre 21, dakong 2 p.m.
“Whether the suspect will appear on Tuesday is a decision that he will make in consultation with his Philippine legal counsel, in accordance with Philippine law,” nakasaad sa official statement ng embahada.
Matatandaan, nitong Biyernes inihatid ng opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ni Olongapo City Prosecutor Emily Fe De Los Santos sa US Embassy ang subpoena para kay Pemberton.
Samantala, tiyak nang hindi dadalo ang apat na mga testigo ng Amerika sa pagdinig sa Martes. Katwiran ng embahada, humarap na sila sa city prosecutors at pinanumpaan na rin ang kanilang pahayag.
Una nang ipinangako ng embahada na pahaharapin sa mga awtoridad ng Filipinas ang suspek at mga testigo sa kaso.
ni ROSE NOVENARIO