ARESTADO ng mga elemento ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang isang 21-anyos babae makaraan ang ginawa niyang ‘cyber extortion’ sa isang 18-anyos babaeng estudyante, kamakalawa ng hapon sa Ro-binson’s Place Manila sa Ermita, Maynila.
Kinilala ni PO3 Jayjay Jacob ang suspek na si Diana Lyn Callao, nagpakilala bilang si Lee Andrei Inigo Santillan sa kanyang account sa Viber at Facebook, residente ng 555 Kapitan Maria St., Malvar, Batangas.
Nabatid na unang dumulog sa MPD-Women’s and Children’s Protection Section ang biktimang si Annie, 18, estudyante, ng Valenzuela City, kasama ang kanyang tiyuhin para ireklamo ang pananakot at pangingikil sa kanya ng suspek.
Sa salaysay ng biktima, nakilala niya ang suspek na nagpakilalang lalaki at naging nobyo niya hanggang humantong sa pagkakaroon nila ng “sex on line.”
Bunsod nito, nakunan ng larawan na walang saplot sa katawan ang biktima.
Naging maganda aniya ang relasyon nila at nagpapalitan pa sila ng regalo. Minsan ang suspek ang naghahatid ng regalo na sinasabing padala iyon ni Santillan na nobyo ng biktima.
Noong Oktubre 13, nagsimula na siyang i-blackmail ng suspek at sinabing kung hindi siya bibigyan ng pera at mamahaling sapatos ay ipo-post sa Facebook ang kanyang hubo’t hubad na mga larawan.
Nagkasundo ang dalawa na magkita sa Robinson’s Place Manila para ibigay ang P20,000 hiningi ng suspek kapalit ng walang saplot na mga larawan ng biktima.
Dakong 3 p.m. nang magkita ang dalawa at pagtanggap ng suspek sa marked money ay agad siyang inaresto ng mga pulis.
Sa puntong ito, natuklasan ng biktima na ang nobyong si Santillan at ang suspek ay iisang tao lamang.
Nakatakdang sampahan ang suspek ng kasong robbery extortion at grave threat.
(LEONARD BASILIO)