MATIBAY din pala sa ‘sikmuraan’ si Social Welfare Secretary Donkey ‘este’ Soliman.
Paulit-ulit niyang sinasabi na hindi siya magre-resign kahit naglilitawan ang mga kapalpakan ng kanyang departamento sa handling and distribution ng relief goods na nagkakahalaga ng P40 milyones.
Habang ‘yung P700 million cash naman ay hindi maipaliwanag kung saan talaga napunta.
Batay sa mga naglilitawang pangyayari, mukhang hindi talaga inaasikaso ni Dinky ang mga relief goods at ang mahigpit na pinagtuunan ay CASH DONATIONS.
Kaya ang nangyari sa relief goods na inimbak sa Tacloban ay nagkabulok-bulok at inuod na.
Nadeskubre ang mga inuuod na de-lata ng sardinas sa relief operation nila sa Albay Bicol.
What the fact!?
Pero mukhang hindi man lang tinatablan ng kahihiyan si Dinky.
Bukod sa pagbalewala sa hinaing at reklamo ng Yolanda victims/survivors ‘e hindi ngayon magkandaugaga sa kanyang beautification project para umano sa pagdating ni Pope Francis sa Enero 2015.
Hindi natin sinasabing huwag salubungin nang maringal ang Banal na Papa, pero hindi ba nakahihiyang gawin ang ganitong pagsalubong sa Holy See ‘e hindi nga nila matapos-tapos ang kanilang backlog sa Yolanda victims.
Hindi mapagtatakpan ng maringal na pagsalubong sa Banal na Papa ang pagpapabayang ginawa ni Dinky sa Yolanda victims.
Maringal ang pagsalubong sa Holy See, pero ang Yolanda victims ay hinayaang tumira sa bunkhouses?!
Bakit hindi permanenteng tahanan ang ibigay sa Yolanda victims?!
Kung ganyan ang gagawin ng national government, ng local government unit (LGU), ng DSWD at iba pang ahensiyang dapat na tumutok sa Yolanda survivors, maniniwala tayo na nagtatrabaho nang totoo si Dinky.
Pero hangga’t hindi niya naipaliliwanag kung bakit inuod ang P40-milyones relief goods at kung saan napunta ang P700 milyones cash donation, malaki ang dapat panagutan ni Dinky sa Diyos at sa bayan.
‘Yun lang!
VIP TREATMENT SA KOREAN FUGITIVE NA SI KU JAN HOON
MULING lumutang ang balita tungkol sa isang isyu na una nang nalathala rito sa ating kolum na umuugnay sa isang mataas na opisyal ng Malacanin ‘este Malacañang.
Usap-usapan at pinagpipiyestahan ngayon sa social media ang pagkakadawit ni Executive Secretary Paquito Diaz ‘este’ Ochoa sa pagbibigay ng utos sa Bureau of Immigration (BI) para payagan makapag-post ng bail ang notorious na puganteng Koreano na si KU JAN HOON.
Sa mga hindi pa nakaaalam, si Ku pal ‘este’ Ja Hoon ang dating plant manager ng Phildip Korea Co. Ltd., isa sa mga pinakamalaking construction company sa South Korea. Ang nasabing pugante ay kumulimbat umano ng $50M sa kompanyang kanyang pinagtatrabahuhan.
Siya ngayon ay nagtatago rito sa Pinas gamit ang perang kinulimbat at nagawa pang sumosyo umano sa New San Jose Builders Inc., na alam ng lahat na nakakuha ng project na biggest coliseum in Asia na ngayon ay kilala bilang Philippine Arena.
Laking galit ng Korean Embassy sa nangyari matapos mahuli ng BI ay pinayagang makapagpiyansa at makawala. Pero ang nakapagtataka rito ay parang deadma lang ang ating gobyerno particular ang Department of Justice (DoJ).
Saan ka nga naman nakakita na konsintihin ang isang pugante gaya nitong si Ku Ja Hoon?
Nakahihiya nga naman sa international community, ‘di ho ba?!
Nasaan nga naman ang sinasabing tuwid na daan dito?
Ibig bang sabihin, tameme si SOJ Leila De Lima pagdating kay ES Topakits Ochoa kahit ang nakasalalay ay dignidad ng BI at DOJ?
Well, onli in da Pilipins lang po ‘yan.
MGA MPD BAGMAN NAKIKIRAMDAM KAY MPD DD S/SUPT. ROLLY NANA!
BINABASA at pinakikiramdaman pa raw ng mga BAGMAN COP ang bagong MPD district director S/Supt. Rolly Nana kung ano ang magiging diskarte ng ‘tabakuhan’ ng kolektong sa Maynila.
Kalakaran kasi na sa tuwing may bagong hepe ang MPD ‘e mayroon sariling trusted personnel na kanyang ilalagay sa juicy position sa MPD.
Kaya naman ang mga nagkalat na pulis-bagman sa MPD gaya nina alias BOY TONG WONG, SPO-TONG TONIO BONG CRUZ, SPO-TRES ROBLES ay nangangapa ngayon kung paano raw ‘mapapaligaya’ si DD.
Nagmo-monitor ang mga damuhong bagman sa MPD HQ baka kasi biglang magbago ang ihip ng hangin at magpa-bidding sa ‘pangkubahayan’ sa Kamaynilaan ang bagong district director.
At siyempre, kanya-kanyang pamato ang ibang mga nakapwestong pulis na hepe ng mga estasyon at PCP pati na ang kanilang mga enkargago ‘este’ enkargado.
Tama ba Major RIODECA, Insp. GUISIC at Insp. DINO?
Sabi nga ng ilang tulis ‘este’ pulis sa MPD, maswerte raw sila at pangiti-ngiti lang daw si DD pero galit sa mga pakaang-kaang at ‘yun mga mahilig sumipsip/umistambay sa city hall na mga police official.
Kernel Nana, tatalasan mo lang ang pakiramdam mo at baka masalisihan ka ng mga walanghiyang bagman diyan sa MPD!
PIYESTA NG SUGAL-LUPA SA BATANGAS(ATTN: GOV. VILMA SANTOS)
Sa area of responsibility (AOR) naman ni Senior Supt. Jireh Omega Fidel ay nagkalat ang iba’t ibang uri ng sugal, partikular ang sugal lupang color games, dropballs at sakla o baklayan.
Matatagpuan ang mga 1602 sa Brgy. Cotihan, Taal, Batangas; Brgy. Payapa, Batangas City; Brgy. Mainaga, Bauan, Batangas; Calaca, Batangas; Brgy. Sta. Monica, San Nicolas, Batangas, Brgy. Bancoro, Agoncillo, Batangas; Brgy. Tibig at Brgy San Rogue sa Lipa City na ang mga capitalista, booker ay sina Beth, Twinkle, Arnel, Venis at Leslie.
Ang puwesto pijong baklayan (Sakla) ni Aling Lileth sa Brgy. Malibu sa Tuy, Batangas, 24 oras ang pasugal. Nakatimbre daw si Lileth sa provincial command ng Batangas-PNP.
Aba Kernel Fidel,haping-hapi na pala kayo diyan!?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com