ni Pilar Mateo
THE race is on!
Nakabalik na sa ‘Pinas ang aktor na si Jomari Yllana na sumali sa Round 7 Super Race Car ECSTA729 Accent One Championship sa Yeongam, South Jeolla, South Korea noong October 12, 2014.
Si Jomari ang unang Pinoy na sumabak sa prestihiyosong karera ng mga sasakyan na may iba’t ibang kategorya. Hindi agad nakalipad si Jomari noong October 8 at ang kanyang mentor/director na si An Su Kim (John) kaya naman isang araw lang ang naging practice niya sa Korea International Circuit.
Pumuwesto sa ikapitong posisyon ang aktor sa nasabing qualifying race kaya pasok siya para kumarera kinabukasan. Maaraw (kahit malamig) nang sumabak sa qualifying race si Jomari. Pero kinabukasan, sa mismong karera na, umulan kaya hindi naiwasan na marami sa mga kasabay niya ang nadesgrasya.
Tinamaan ang mag-wheels ng kanyang sasakyan at ang bumangga sa kanya eh, bumangga rin sa isa pang sasakyan. Kaya, ganoon na lang ang pasalamat ng mga kasama ni Jom (including this writer as his publicist and part of the Team) na natapos niya ang 10 laps ng hindi niya kinailangang bumalik sa loob ng pit para may ayusin sa sasakyan niya.
“Medyo bumigay lang ‘yung kambyo kaya hindi ko maitodo at medyo bumagal na ako noong bandang huli. Unang arangkada kasi, nasa third spot na tayo. Pero, no two race are the same. Maraming naiiba. Lalo ngayon, na naranasan natin na nag-iba agad ang panahon. At umulan nga. But I am so very thankful sa team natin here in Korea. Sa Garrett team na dala ko rin dito. Sa mga mekaniko na talagang tutok sa sasakyan natin.”
Hindi nga mabibili ang karanasang nasabakan ng aktor sa nasabing karera. Kaya naman lalaban siya sa susunod na round nito sa susunod na buwan in the same place.
Ang magandang balita, he made it to the six place sa nasabing karera.
“Nakita mo ba ang mga kasabay nating kumarera? May celebrities din. Natutuwa ako roon sa feeling na they welcomed me. Happy people sila. Kaya masaya ang ambience. Maganda ang pakiramdam sa karera. Maganda na ang naging puwesto ko bilang first timer dito. Pero hindi tayo titigil. Hindi pa tapos ang laban.”
Ayon sa aktor, sa susunod niyang laban, gusto niyang mapanood ito ng anak na si Andre, na nakikitaan din ng pagkahilig sa nasabing sports gaya ng ama. At siyempre, ang kanyang dakilang inang si Mommy Vicky at ina ng kanyang anak na si Aiko Melendez.
“It took me years to go back into the car racing circuit. Hindi rin naging madali dahil matagal din tayong tumigil. Although noong tumigil muna ako, I was at the top of my game. Kaya nagpapasalamat pa rin ako sa mga taong nagtitiwala, gaya ng ‘brother’ kong si John who was the one responsible for making me race here in Korea.”
Ngayong inspirado na siya, may maipapakilala na ba siyang love interest sa mga kaibigan niya?
“Nakilala mo na si Osang, ‘di ba? Si Kring-Kring. Marami pang darating. Kasi nga, I want to put up a team na malakas. Nakita natin doon sa isang pit ‘yung former director/actor na manager na ngayon ng team niya na tatlong sasakyan ang kumarera. That’s how I want to see myself in the future. May sariling school for future car racers. May matatag na team na lumalaban sa iba’t ibang kompetisyon ng karera ng sasakyan here and abroad.”
Bago magtaka kung sino-sino ang mga binanggit niyang pangalan ng mga babae—ito ang mga ipinapangalan niya sa kanyang mga sasakyan.
“Wala namang konek sa real life,” natatawang sagot ng aktor na napapagsabay ang pagsabak sa harap ng telebisyon.
Abangan ang susunod na kabanata!