MULING kinalampag ng mga militanteng grupo ang Embahada ng Amerika sa Maynila at iginiit ang hustisya sa para sa transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer, pinatay ng US Marine na si Private First Class Joseph Scott Pemberton. Nanawagan din ang grupo para sa pagbasura sa VFA at EDCA. (BONG SON)
PAGKALUNOD o ‘death by asphyxia caused by drowning’ ang ikinamatay ng isang transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer sa Olongapo City.
Batay ito sa kopya ng opisyal na medico legal report na isinumite sa Prosecutor’s Office nitong Miyerkoles.
Matatandaan, natagpuang patay si Laude, 26, sa Celzone Hotel habang nakasubsob sa inodoro at nakalawit ang dila.
Sinasabing huling nakita ang biktima nang mag-check in sa isang kwarto kasama ang US Marine na si Private 1st Class Joseph Scott Pemberton.
Hinihinalang sinakal at nilunod sa inodoro hanggang malagutan ng hininga ang biktima dahil sa nakitang marka sa leeg.
Miyerkoles ng hapon nang isampa ang kasong murder kay Pemberton sa Olongapo City Hall of Justice.
Kompyansa ang prosekusyon na malakas ang ebidensya nila laban sa Amerikanong sundalo.
Inaasahang sunod na hihilingin ng bansa ang kustodiya kay Pemberton. Nananatili ang suspek sa USS Peleliu.
(RAUL SUSCANO)
KUSTODIYA SA US MARINE INIHIHIRIT NG DFA
NAGHAHANDA na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pag-apela para sa kustodiya ng Amerikanong suspek sa pagpaslang sa transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer.
Ayon kay DFA Spokesperson Charles Jose, magpapadala sila ng diplomatic note sa US Embassy para kombinsihing i-turn over sa Filipinas ang suspek na si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton.
Gayonman, tulad ng paglilinaw ni Presidential Commission on VFA Usec. Eduardo Oban, bagama’t nasampahan na ng kasong murder si Pemberton, hihintayin pa ng DFA ang arrest warrant laban sa suspek bago magpaabot ng request sa Amerika.