KINOMPIRMA ng Malacañang, ibinasura lamang ng Estados Unidos ang naunang review sa Visiting Forces Agreement (VFA) makaraan ang Nicole case.
Naungkat muli ang panukalang repasohin o ipawalang-bisa ang VFA makaraan ang pagpatay ng isang U.S. serviceman sa isang transgender sa Olongapo City.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, naipresenta na sa US counterparts ang resulta ng review ngunit walang nangyaring kasunduan.
Ayon kay Coloma, walang binago sa mga probisyong kinukwestiyon hanggang inabutan ng bagong kaso na kinasasangkutan ng U.S. personnel.
“Ito po ang nakuha nating impormasyon: Naisagawa ‘yung review na ‘yon at nakipag-ugnayan ang ating pamahalaan sa pamahalaan ng Estados Unidos, ngunit sa pagsasagawa nito ay hindi humantong sa ano mang pormal na kasunduan hinggil sa pagbabago ng ano mang probisyon, at ang realidad ay inabutan po ito nitong kasalukuyang kaganapan,” ani Coloma.
(ROSE NOVENARIO)