INIHAYAG ng testigo ng gobyerno na si Anti-Money Laundering Council (AMLC) investigator Leigh Vhon Santos kahapon, ang multiple bank accounts ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., na milyon-milyong piso ang na-withdraw, ay indikasyon ng money laundering.
Sa cross examination sa Sandiganbayan First Division kahapon, sinabi ni Santos, may 81 bank accounts sa pangalan ni Revilla at mga miyembro ng kanyang pamilya ang nirepaso ng AMLC.
Aniya, 12 sa accounts ay direktang nasa pangalan ni Revilla, misis niyang si Cavite Rep. Lanie Mercado, at sa Nature Concepts Development and Realty Corporation, kompanyang kinokontrol ni Mercado.
“Maintenance of quite a number of bank accounts is an indication of a money laundering scheme… especially considering that the deposits made to these accounts were in cash amounting millions of pesos,” ayon kay Santos.
Karamihan aniya sa cash deposits sa malalaking halaga ay isinagawa sa single-day transactions lamang.