Wednesday , December 25 2024

Francisco Reyes (Busuanga) airport malayong-malayo sa sibilisasyon! (Attention: DoTC & CAAP)

00 Bulabugin jerry yap jsyMUKHANG mayroong pangangailangan ang Department of Transportation and Communications (DoTC) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na busisiin ang Busuanga airport na ipinangalan pa sa tatay ng wanted na mag-utol na sina dating Palawan Governor Joel Reyes at dating Coron Mayor Mario Reyes — ang Francisco Reyes Airport (FRA).

Kahanga-hanga ang wonders of nature sa Palawan lalo sa Busuanga at Coron islands. Talagang sabi nga, ‘e malapit na malapit ka sa Dakilang Manlilikha kapag nakita ninyo ang buong kapaligiran nito lalo ang lawak ng karagatan.

Pero nakapanghihinayang ang mga lugar sa Busuanga dahil sa Airport pa lang ‘e mabubuwisit na talaga ang dayuhang turista o lokal man.

‘Yun bang kapag nagpunta ka sa lugar na ‘yan ay hindi mo na paplanohin na pumunta ulit.

Pagbungad na pagbungad pa lamang ‘e parang isang barn o bodega ang itsura ng Busuanga airport.

Lalo na kapag nakapasok sa loob, kitang-kita na salat na salat talaga sa equipment.

Walang X-ray, mano-mano ang checking sa bagahe ng mga pasahero ng mga tauhan ng DoTC-OTS, iisa ang hand-held metal detector kaya kamay na walang gwantes gamit nila sa body frisking.

Huwag na huwag rin kayong maji-jingle o kahit pabalat-bungang paggamit ng comfort room ay huwag ninyong tatangkain dahil wala kayong ‘comfort’ na mararanasan.

Excuse me po, pero “yucky” talaga ang panggigitata ng comfort room nila .

Ang inodoro at lababo ay naninilaw sa dumi at sira pa ang gripo.

Mahihiya ang slogan na “It’s more fun in the Philippines” kapag nakita ninyo ang mga comfort room sa nasabing airport sa Busuanga.

Kung makaramdam naman ng kalam ng sikmura ang pasahero, makikita mo ang isang maliit na kiosk na animo’y sari-sari store. ‘Yun lang at wala nang iba.

Kapag nag-check-in ka sa airline counter naku pentel pen ang pansulat sa boarding pass mo.

Ito ang mas matindi, walang AIR-CON ang airport nila!

Mga cooling fan lang na kapag maraming pasahero sa departure pre-boarding area ay napakaalinsangan!

Talaga naman nakakukunsumi sa napaka-remote na sistema sa Busuanga airport.

Ngayon tayo lubusang naniniwala na walang napala ang mga taga-Palawan sa Malampaya fund.

Ultimo ang pinagkukunan nila ng koryente para sa komunidad ay mula sa mga kooperatiba na salat na salat din ang kaalaman kung paano palalakasin ang ‘power’ para makaranas ng komportableng pamumuhay ang mga Palaweño.

Nakalulungkot na ang Palawan ay pinagsasamantalahan lang din ng mga politiko at bihirang-bihira ‘yung may tunay na may malasakit sa ‘paraisong’ nilikha ng Diyos sa gawing ito ng mundo (Filipinas).

CAAP Director General William Hotchkiss, nakapasyal ka na ba sa Busuanga airport?

Subukan n’yo kaya at isama n’yo na rin si Deputy Director Capt. John Andrews!

VFA IBASURA NANG TULUYAN!

MEDYO nabura lang nang konti sa alaala ng mga Pinoy ang ginawang pamamaslang at pagwawala ni ex-US Army Jason Aguilar Ivler, isang Fil-Am na US Army – pero muli na namang naaalala ng sambayanan dahil sa pagpaslang ni US Marine Pcf. Joseph Scott Pemberton, ng New Bedford, Massachusetts , kay Jennifer Laude a.k.a. Jeffrey, nitong Sabado sa Olongapo City.

Si Jason, isang sundalong Fil-Am ay maaalala natin na sinampahan ng kasong Homicide nang barilin niya dahil sa traffic altercation ang anak ni presidential chief of staff undersecretary Renato Ebarle, Sr., na si Renato, Jr.

Kinasuhan na rin si Pemberton. Pero ang kustodiya sa kanya ay nanatili sa Embahada ng Estados Unidos.

At ‘yan ay dahil protektado ng pamahalaang Amerikano ang kanilang mga mamamayan na nasa labas ng kanilang bansa, gaano man kabrutal ang ginawa nilang pang-aagrabyado, pang-aabuso ar pamamaslang sa isang lokal na mamamayan ng isang bansa kung saan sila naroroon.

Lalo na sa ating bansa na mayroong ipinatutupad na Visiting Forces Agreement (VFA).

Sa ilalim ng VFA, sinasabing tinutulungan ng USA ang mga sundalong Pinoy sa pagsasanay kung paano popretektahan ang bansa laban sa mga mapanakop na dayuhang pwersa sa mga hanggahan nito.

Pero, sa karanasan, hindi ang sinasabing mapanakop na pwersang dayuhan ang nakakayang tapatan ng mga sundalong Kano, kundi ang mga maliliit nating kababayan na kanilang inaabuso sa iba’t ibang paraan.

Aminin man sa hindi ng pamahalaan, ang VFA ay hindi nakatutulong sa ating mga Pinoy lalo na kung proteksiyon sa ating kapakanan ang pinag-uusapan.

Malinaw na ang VFA ay sa iisang panig lamang nakapagsisilbi o nakapagbibigay ng pabor pero tiyak na hindi tayo ‘yun.

Sa ganang atin, kung hindi nakapagsisilbi ang VFA sa kapakanan nating mga Pinoy, mas mabuti pang tanggalin na ang kasunduang ‘yan at ipaglaban natin ang katarungan para sa mga biktima ng mga mapang-abusong sundalong Kano!

AGAW-CELLPHONE SA TRAMO PASAY CITY LALONG DUMARAMI!

Hindi pa rin pala nawawalis ‘yang mga agaw-cellphone gang sa area ng Tramo sa Pasay City.

Daig pa ang mga hayok na buwitre ng mga agaw- cellphone gang na ‘yan.

Walang takot at walang patawad kung mangharbat ng cellphone.

Pati mga mumurahing cellphone ng mga delivery boy o driver ay talagang pinapatos ng mga kawatan na ‘yan sa kalye ng Tramo.

Nagtataka naman tayo kung bakit napakalakas ng loob nitong mga kawatan na agaw-cellphone gang.

Bakit nga ba, Pasay police chief, S/Supt. Melchor Reyes?!

Bakit tila walang katakot-takot ang mga KAWATAN d’yan sa area of responsibility (AOR) ninyo?!

Pakisagot na nga po!

BAI at BPI QUARANTINE STAFF SA NAIA FEELING SQUATTER?

PARANG nakararamdam na ng self-pity ang mga nakatalaga sa Quarantine ng Bureau of Plants and Animals Industry sa NAIA dahil parang bigla silang naging ‘squatter’ sa sariling lugar.

Just imagine nga raw, kung ilang buwan na silang nagtitiis sa maliit na sulok ng NAIA T-1 Customs Arrival Area simula nang kumpunihin ang lugar na kinaroroonan ng kanilang opisina dati.

Ngunit makalipas ang maraming araw ng pag-hihintay, buwan at hanggang matapos ang kinumpuning tanggapan nila ay doon pa rin sila nag-oopisina sa nasabing sulok.

Ang masakit nito, anang isang beteranong taga-Quarantine, ang inaakala nilang opisina na ipapa-make over lamang ay tuluyan na yatang nawala.

Napakasakit daw talaga.

Nawala ang Plant & Animal Quarantine Office as in giniba o tinanggal sa dati nitong kinalalagyang lugar!

Clear na ang area na dating kinaroroonan ng opisina nila.

What the fact!?

Ang tanong ng mga taga-Quarantine sa MIAA Management… “Hanggang kailan sila magtitiis sa sulok ng Customs Arrival?

Saan ba raw sila dapat lumugar at mag-opisina?”

Dahil sa kawalan ng privacy, ang mahahalagang dokumento ng Quarantine ay open na open sa madla ng Arrival area at kung titingnan ay parang vendor na nakasampa sa bangketa ang kanilang opisina.

Tsk tsk tsk…

 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

 

About hataw tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *