NAARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang 50 dayuhan na illegal na nagtatrabaho bilang call center agents sa Makati City.
Karamihan sa mga dayuhan ay nasa kanilang pwesto nang salakayin ng BI intelligence group team ang call center.
Ang nasabing mga dayuhan ay walang working documents at tumatanggap ng sahod na mula P30,000 hanggang P60,000 kada buwan.
Ayon sa imbestigasyon, sila ay ni-recruit para sa French-speaking countries dahil sa mahusay nilang pagsasalita ng wikang Pranses.
Karamihan sa mga dayuhan ay mula sa Cameroon, Ivory Coast at Mauritius.
Iginiit ng mga dayuhan na mayroon silang sapat na mga dokumento at legal ang pagtatrabaho nila.
Ngunit sa initial findings ng BI, nabatid na ang mga dayuhan ay mga turista lamang kaya hindi maaaring magtrabaho sa bansa.
Dinala ang mga dayuhan sa BI headquarters para sa beripikasyon.
Kapag napatunayang walang working permits, sila ay isasalang sa deportation procedures.
Inaalam din ng BI kung ang mga dayuhan ay may criminal records.
(HNT)