NAGING emosyonal ang pagpapaalam ni C/Supt. Richard A. Albano aka “Banong” sa bumubuo ng Quezon City Police District (QCPD) na kanyang pinamunuan bilang District Director, nitong nakaraang Biyernes matapos siyang palitan ni Sr. Supt. Joel Pagdilao.
Napaluha sa kanyang talumpati ang maga-ling na heneral hindi dahil sa ayaw niyang iwa-nan ang QCPD kundi napamahal na sa kanya ang pamilya QCPD.
Ngunit, iyon nga ba ang tunay na pagiging emosyonal ni Albano – ang pagpapaalam niya o ang masyadong masakit lang na ginawa sa kanya ni Interior Sec. Mar Roxas at NCRPO chief, Director Carmelo Valmoria? Ang paraan o dahilan ng pagpalit sa kanya na mahirap tanggapin.
Sa palagay ko’y hindi lang iyong napamahal si Banong sa pamilya QCPD ang pagiging emos-yonal ni Albano kundi, masakit kasi ang pinalalabas na sinibak siya dahil wala raw siyang ginagawa sa QCPD. Ano!
Tsk tsk tsk… oo, para bang sinasabing wala siyang silbi QCPD.
Kasinungalingan! Bakit? Aba’y kung trabaho lang naman ang pag-uusapan simula nang maupo siya sa QCPD bilang District Director noong Enero 2013 hanggang Oktubre 8, 2014, halos hindi na natutulog ang mama. Walang kasong nakalalampas kay Albano sa tulong ng kanyang mga opisyal at tauhan. Todo-todo nga ang suporta ng buong QCPD sa kanilang director dahil sa ipinamalas niyang leadership.
Saksing-buhay ang mga mamamahayag na nagkokober sa QCPD, kabilang na tayo rito, Kyusi at mamamayan ng QC sa mga accomplishment ng QCPD sa ilalim ni Albano. Malalaking accomplishment ang pinag-uusapan dito – paglutas sa pagpaslang kay Maconacon Isabela Mayor, pagpaslang sa isang doctor, pagpaslang sa sikat na car racer, at mara-mi pang ibang malalaking krimen. Lutas lahat ang mga ‘yan.
Hindi lang ito, kung droga naman ang pag-uusapan ay umaabot na rin siguro sa tone-ladang shabu ang nakompiska sa panahon ni Albano. Hindi lang shabu kundi mayroon din cocaine. Mga miyembro rin ng international drug syndicate ang naaresto at nakasuhan.
Ngayon kung pag-uusapan din ang PR o pagturing ni Albano sa lahat ng taga-QCPD. Naku po, kahit na janitor ay kaibigan niya. Binibigyan niya ng halaga ang ganitong uri ng mamamayan.
Kaya, masasabing ang pinangalandakang dahilan ng pagtanggal kay Albano sa QCPD ay isang malaking KASINUNGALINGAN!
Katunayan, kamakailan ay pinarangalan ng NCRPO ng limang award ang QCPD . Kung hindi ako nagkakamali ay anibersaryo ng NCRPO nang parangalan ang QCPD.
Saludo pa nga si Valmoria sa QCPD o kay Albano tapos sasabihin palpak ang mama sa QCPD?!
Sir Gen. Albano, saludo pa rin ang marami sa iyo!
Crime reduction, ito naman ang prayoridad at target ni S/Supt. Pagdilao sa Kyusi.
Tatalakayin naman natin ito sa susunod. Si Pagdilao ay isa rin magaling na opisyal, naging tandem din siya ni Albano sa pagsugpo ng kriminalidad sa Kyusi.
Almar Danguilan