AABOT sa P1.3 milyong cash na hinihinalang pinagbentahan ng shabu ang nakompiska ng mga pulis makaraan salakayin ang hinihinalang kuta ng sindikato sa Caloocan City.
Naaresto ng pulisya sa nasabing pagsalakay ang tatlong sina Kharil Angri, Ernesto Glema at Leonardo dela Torre, kapwa nasa hustong gulang, miyembro ng Tala Group.
Habang ang dalawang menor de edad na nahuli ay nasa pangangalaga na ng Women’s and Children’s Protection Desk ng Caloocan City Police.
Nakompiska rin ng mga awtoridad ang dalawang karnap na motorsiklo, .45 kalibre ng baril, M16 rifle, mga bala nito, at limang two-way communication radio.
Sa ulat mula kay Criminal and Investigation Detection Group (CIDG) chief, Director Benjamin Magalong, dakong 5 a.m. nang salakayin ng kanyang mga tauhan ang Brgy. 188, Tala, Caloocan City na pinagkukutaan ng sindikato na sangkot sa carnapping, robbery, drug pusher, kidnap for ransom at gun for hire. \
(ROMMEL SALES)