SABLAY si Interior and Local Government Secretary Manuel “Mar” Roxas II kung inakalang nakakuha siya ng pogi points sa pagsibak sa apat na hepe sa National Capital Region Police Office (NCRPO). Ipinagyabang pa niya na matetengga sa Camp Crame ang mga sinibak na sina Quezon City Police District chief Richard Albano, Manila Police District chief Rolando Asuncion, Southern Police District chief Erwin Villacorte at at Northern Police District chief Edgar Layon.
Lumandas si Roxas sa “biglang likong” daan sa pagsibak kay Albano. Waring bigla siyang naging “Mr. Kalimot” dahil kabibigay lang ng komendasyon ni Philippine National Police (PNP) Director General Alan Purisima kay Albano sa pagsasagawa ng “Oplan Lambat” sa QC, isang kampanya laban sa mga hindi nakarehistrong motorsiklo na kadalasang ginagamit ng riding-in-tandem criminals.
Kung mayroong dapat sibakin si Roxas, hindi na dapat lumayo ng tanaw ni Purisima dahil lagi niyang kasama at kaututang-dila si Comptrollership Director Chief Supt. Rolando “Purug” Purugganan. Si Purug ang may hawak sa kaban ng PNP at imposibleng wala siyang alam sa lahat ng anomalya hindi lamang sa Camp Crame kundi sa pulisya sa buong bansa. Kahit kaninong bobo mo itanong, malabong wala siyang kinalaman sa P25 milyong White House ni Puririma at sa pagbebenta ng assault rifles sa mga kalaban ng Estado na New Peoples Army (NPA).
Magaling sa “taguang pung” si Purug dahil kaliwa’t kanan ang banat ng media kay Purisima at sa iba pang heneral ng PNP pero papetek-petek lang siya sa isang tabi. O totoo ang tsismis ng isang sikat tabloid columnist na naka-payola kay Purug ang ilang “bukod na pinagpalang” mediamen para lagi siyang ligtas sa mga banat, bira, tuligsa kritisismo?
Kung isasailalim kasi sa lifestyle checking, hindi makalulusot itong si Purug sa “kaharian” pa lamang niya sa Pagrai Hills, Antipolo City, Rizal. Sa tulong ng isang alyas “ex-Major Apol,” kaliwa’t kanan ang land grabbing activities doon ni Purug at nagpapalamig lamang siya kapag may napapatay ng urban poor leader sa lungsod. Halos 10 urban poor leaders na ang napaslang sa Antipolo, lalo sa Pagrai at Cogeo areas, at walang nahuli kahit isang suspek ang mga pulis ng lungsod kaya panahon pa dapat ng kopong-kopong nasibak si Supt. Arthur Masungsong.
Pero tulad ni Purug, magaling din sa taguang-pung si Masungsong kaya nananatili sa kanyang puwesto. At tulad ni Purug at iba pang heneral ng PNP at Armed Forces of the Philippines, retirado man o aktibo, tila may kanya-kanyang kaharian sila sa Pagrai na nagbibigay ng proteksiyon sa lahat ng uri ng krimen. May shabu laboratory roon na pinapatakbo ni “Ex-Major Apol” na big boss din ng mga hired killer, holdaper at tulak ng damo at shabu, cybersex operations sa ilalim ng isang alyas “Nene Tan,” prostitutions dens na hawak ng isang “PO3 Adoray,” at kung ano-ano pang krimen.
Kung sulimpat ang paningin nina Roxas at Puririma, bakit hindi nila puntahan ang mansiyon ni Purug sa Pagrai na inilalarawan ng mga tagaroon na “moog” dahil ang pader ay hindi kayang tibagin kahit ng mga tangke ng AFP. Dapat ding isapubliko ang SALN ni Purug para mabusisi dahil tulad ng kay Purisima ay posibleng mayrooon din siyang tagong ari-arian. At dapat siyang pagpaliwanagin kung bakit madalas sa Mindanao? Totoo ba ang kanyang mining activities doon?
Bilang Comptroller ng PNP, si Purug ang may hawak ng pera ng PNP kaya kakatwa at katawa-tawa na hindi siya nababanggit sa media kahit kaliwa’t kanan ang mga kabulastugan sa hanay ng PNP. O hindi ba?
Ariel Dim Borlongan