Thursday , December 26 2024

Ganito na ba ngayon sa Pasay POSU? (Attn: Mayor Tony Calixto)

101614 Pasay city hall

Sa aking mga kapamilya at sa mga kinauukulan;

AKO, si Felix Ignacio Atalia, 58 anyos, empleyado ng Pasay City Hall na nakatalaga sa departamentong Public Office Safety Unit (POSU) at residente ng 122 C. Jose St., Malibay, Pasay City ay nagpapahayag ng mga sumusunod:

Noong Agosto 27 ng kasalukuyang taon ay ipinatatawag ako sa opisina ni G. Teodulo “Teddy” Lorca Jr., ang pumapapel na hepe ng POSU. Pagdating ko roon ay pinagsabihan ako ng masasakit na salita, nilait-lait ang aking pagkatao at pinagmumura. Ibig kasi ni G. Lorca na mag-resign ako sa trabaho. Naitanong ko tuloy sa kanya: “Sir, bakit naman po ninyo ako pinagre-resign?” Sa pagkakaalam ko kasi ay wala naman akong maling nagawa sa aking trabaho o nagkaroon man ng kasalanan sa kanya.

Nang ‘di ako magbitiw sa aking puwesto ay muli akong ipinatawag ni G. Lorca. Gano’n muli ang ginawa niya sa akin: pinagsabihan ako ng masasakit na salita, nilait-lait ang aking pagkatao at pinagmumura. At sabi pa niya sa akin: “Bahala ka kung ayaw mong mag-resign. Ikaw rin…Tignan natin kung makatatagal ka.” At idinagdag pa niya: “Atalia, may sakit ka na sa puso, e bakit hindi pa sumabog-sabog ‘yang puso mo.” Kasunod nito ay inintriga pa ako na “minumura at kinakalaban ko” raw nang talikuran si Mayor Antonio Calixto. Ang totoo, kaisa ako ng butihing alkalde ng lungsod ng Pasay sa adhikain na sa kanyang administrasyon ay maging episyente at tapat sa paglilingkod ang lahat ng kawani ng munisipyo.

Bunga nang madalas na panlalait, pagmumura at pagtutulakan ni G. Lorca na mag-resign ako sa trabaho ay nagdulot iyon sa akin ng matinding takot at pagkabalisa. Hindi tuloy ako makakain at mapagkatulog sa gabi dahil nanghihinayang ako sa aking trabaho at sa mga benepisyo na maaari kong tanggapin sa Government Service Insurance System (GSIS), kung mapapaaga ang pagre-resign ko dahil kulang pa ng mga tatlong buwan ang ipinagseserbisyo ko sa gobyerno.

At dahil na rin sa masyadong nasaktan ang aking pagkatao ay nagkasakit ako, laging mataas ang blood pressure ko at naninikip ang dibdib sa paghinga. At ang pinakamasakit pa ay mistulang nahubaran ng dignidad ang aking buong pagkatao sa malimit na panlalait at pagmumura sa akin ni G. Lorca. Sa patuloy na pagkakaroon ng mataas na blood pressure, paninikip ng dibdib, panghihina at pagbagsak ng aking pangangatawan ay naghain ako ng “sick leave o vacation leave.” Pero hindi ito pinayagan ni G. Lorca.

Kumonsulta ako sa isang doktor noong Setyembre 16 ng kasalukuyang taon upang magpagamot. Pero nang ipresinta ko ang aking medical certificate ay sinabi ni Lorca na “peke iyan.” Hindi naman niya inilinaw kung ang tinutukoy niyang “peke” ay medical certificate na hawak ko o ang doktor na nag-isyu niyon, isang Dr. Nick Roxas.

Nitong nakaraang Huwebes (Setyembre 18) ay muli akong ipinatawag ni G. Lorca sa kanyang opisina sa ikatlong palapag ng Pasay City Hall. Bakit hindi pa raw ako nagre-resign, pagalit na sabi niya sa akin. At muling naulit ang panlalait, pagmumura at pamimilit ni G. Lorca na mag-resign ako sa trabaho. At hindi na naman niya ako binigyan ng pagkakataong mangatwiran o maipaliwanag ang panig ko. Mahirap namang patulan ko ang bulung-bulungan sa opisina ng POSU na kaya gigil si G. Lorca na mapa-resign ako sa trabaho ay upang maibigay niya sa kanyang anak ang kasalukuyang item ko sa city hall. Gayunman, ang dalangin ko na lamang ay huwag sanang mas matindi pa roon ang motibo ni G. Lorca kung bakit gustung-gusto niya akong mawala sa kanyang landas.

Nang araw na iyon, dakong alas-2:30 o alas-3:00 ng hapon ay nagsadya ako sa tanggapan ng Pasay City Press Office. Dumulog ako sa opisina ng mga mamamahayag na nakabase sa bisinidad ng Pasay City Hall at humingi ng tulong sa pangulo nitong si Ms. Amor Virata, upang pakiusapan si G. Lorca o si Mayor Antonio Calixto mismo na huwag na sana akong i-harras ni G. Lorca para mapilitan magbitiw sa trabaho. Bunga ng matinding sama ng loob na kinikimkim ko sa dibdib ay napaiyak ako sa harap ni Ms. Virata at ng isa pang mamamahayag na nagngangalang Jerry Sabino. Nangako naman si Ms. Virata na titingnan niya ang kanyang magagawa para matulungan ako.

Kinagabihan ng Huwebes (Setyembre 18) ay muling tumaas ang blood pressure ko at nanikip ang dibdib. Pero dahil sa kawalan, gustuhin ko man magpasugod sa ospital nang gabing iyon ay hindi ko nagawa. Araw na ng Linggo (Setyembre 21) nang magpagamot ako sa PCGH dahil talagang masamang-masama na ang aking pakiramdam; nahihilo, malakas ang tibok ng puso at nahihirapang huminga.

Nais kong ipagbigay-alam sa mga kinauukulan na kapag (1) may nangyaring masama sa akin at/o sa aking kapamilya, tulad ng mga halimbawang may namatay sa amin sa pambubugbog ng kung sino o may gumawa sa amin anupamang uri ng karahasan, ay dapat lamang managot si G. Teddy Lorca; at (2) gayundin naman kapag namatay ako sa stroke o sa atake sa puso — nang sa gayon, kung saka-sakali, ay may hustisiya akong makakamit.

Lubos na gumagalang,

FELIX I. ATALIA

 

cc:

CHR Chairperson Etta Rosales

CSC Chairman Dr. Francisco T. Duque lll

DILG Secretary Mar Roxas

Pasay City Mayor Hon. Antonio Calixto

Alab ng Mamamahayag

Chairman/President Mr. Jerry S. Yap

 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

 

About hataw tabloid

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *