NAARESTO ng pinagsanib na District Anti-Illegal Drugs (DAID)-NPD at Valenzuelan-PNP ang anim na Chinese national na sina James Chua, Cai Shin, Cai Quing Chi, Leo Ching at 2 pang hindi pa nakilala matapos salakayin ang isang shabu laboratiry sa 143 Omega St, Rincon Industrial, Valenzuela City kahapon ng tanghali. Nakumpiska ng mga otoridad ang 15 kilo na shabu, ibat-ibang uri ng kagamitan at chemical sa paggawa ng ilegal na droga. (RIC ROLDAN)
ANIM Chinese national ang naaresto ng mga awtoridad makaraan salakayin ang shabu laboratory at nakompiska ang 15 kilo ng shabu at iba’t ibang uri ng gamit sa paggawa ng droga sa Valenzuela City kahapon.
Ang mga suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) ng Northern Police District (NPD), ay kinilalang sina James Chua, Cai Shin, Cai Quing Chi, Leo Ching, at dalawang hindi pa natutukoy ang pangalan.
Batay sa ulat ni Chief Supt. Jonathan Ferdinand Miano, hepe ng NPD, bago mag-12:00 p.m. kahapon nang salakayin ng mga tauhan ng DAID-NPD at Valenzuela City PNP ang shabu laboratory sa 143 Omega St., Brgy. Rincon, Valenzuela City.
Bago ang pagsalakay, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng DAID-NDP mula sa hindi nagpakilalang source, nagsasabing may shabu laboratory sa naturang lugar na na-set up lamang nitong Oktubre 2, 2014.
Agad nagsagawa ng surveillance operation ang mga awtoridad at nang maging positibo ang impormasyon ay kumuha ng search warrant sa korte ang pulisya upang isagawa ang operasyon.
Naabutan ng mga awtoridad sa shabu laboratory ang anim Chinese national at nakompiska ang aabot sa 15 kilo ng shabu at iba’t ibang gamit sa paggawa ng droga at mga digital na timbangan.
Napag-alaman, mula 15 kilo hanggang 20 kilo ng shabu araw-araw ang ginagawa sa shabu laboratory na isinu-supply sa mga drug pusher sa buong CAMANAVA (Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela) area at mga karatig-lungsod. (ROMMEL SALES)