ISA si John Lloyd Cruz, sa mga actor natin na kabilang sa masasabing may “staying power” ang career sa showbiz.
Yes mula sa partisipasyon niya noon sa “Palibhasa Lalaki” at longest youth oriented TV program na “Tabing Ilog” noong nagsisimula pa lang siya.
Ngayon pagdating sa kanyang career ay malayo na talaga ang narating ni John Lloyd na kilala hindi lang bilang isang mahusay na aktor kundi Box Office King pa dahil sa sunod-sunod na mga hit na pelikula.
Ang bagong film project ni Lloydie, sa Star Cinema na “The Trial” ay magbubukas ngayong araw sa mahigit 100 sinehan nationwide. This time ay ipakikita naman ng actor ang pag-atake niya sa bagong character na gagampanan bilang si Ronaldo Jimenez (Cruz) na isip bata, sa edad na 27 anyos dahil sa karamdamang dala mula pagkabata na mentally challenged.
Hindi lang iniasa ng aktor ang role sa husay sa pag-arte kundi nag-effort rin at nag-research para tiyakin na aakma sa kanyang character at tama ang ginagawa.
Hindi lang ‘yan, sumailaim pa siya sa training mula sa trained expert sa mga special child na Maricar Fajardo. Kung paano niya bibigyan ng justice ang kanyang role –bilang mentally retarded, na slow learning boy na naakusahang nang-rape sa isang magandang babae na ginagampanaman naman ni Jessy Mendiola.
Para sa actress ay itinuturing na big trial for her entire career ang pagganap sa natokang role bilang grade school teacher sa nasabing pelikula. Masaya si Jessy at nalagpasan raw niya ang lahat ng pagsubok habang sino-shoot nila ang film. Very thankful rin siya at pumasa ang acting at performance niya sa director na si Chito Roño.
Ang The Trial, ay mula sa panulat ni Kriz Gazmen, na isang versatile screenwriter na bahagi ng mga blockbuster hits ng Star Cinema tulad ng comedy movie na “Ang Tanging Ina N’yong Lahat,” “Sisterkas,” ang dramatic films na “No Other Woman,” “One More Try” at ngayon ang The Trial na pinakamalaki at kapana-panabik na dramang pamilya ng 2014.
Ang The Trial ay isang dramang pampamilya na may kurot sa puso. Ipanapakita sa pelikulang ito kung paano haharapin ng dalawang pamilya ang isang eskandalo. Ang trahedyang haharapin ng bawat tauhan ay hahamon sa pagmamahal nila sa isa’t isa. Matutunan nila kung ano ang tunay na pag-ibig at kung malalagpasan ba ang malaking pagsubok o hindi. Layunin ng family drama movie na hamunin ang bawat isa na pag-isipan ang ideya kung sino ba talaga ang humaharap sa pagsubok at paglilitis sa oras na dalhin na sa korte si Ronald na sinampahan ng kasong rape ng pamilya ni Bessie (Jessy).
Ang abogadong si Julian played by Richard Gomez ang magtatanggol kay Ronald sa korte. Magiging karamay rin ng binata ang hindi kaano-anong maybahay ni Atty. Julian na si Amanda (Gretchen Barretto) na isang developmental psychologist na mother ni Martin portrayed by Enrique Gil. Dream come true para kay Gretchen na nakasama na niya sa project ang hinahangaang actor na si Lloydie. Kasama rin sa malaking pelikula sina Sylvia Sanchez at Vince de Jesus na gumaganap na mga magulang na tomboy at bakla ni Lloydie. Ka-join rin sa cast sina Vivian Velez, Benjamin Alves atbp.
Kaya makipila na at panoorin ang kakaharaping trials ni John Lloyd sa nabanggit na movie na suportado at rekomendado ng mga Kapwa Kapamilya actors and directors.
ni Peter Ledesma