PANIBAGONG-SIGLA ang umaapaw sa katauhan ngayon ng young actress na si Kylie Padilla. Binigyang-tiwala siya ng mag-inang Lily at Roselle Monteverde para magbida sa horror/thriller movie na Dilim kapareha ang young actor na si Rayver Cruz habang sa telebisyon naman, isang importanteng role ang iginawad sa kanya ng GMA Network sa history-serye na Illustrado opposite the network’s GMA Prince na si Alden Richards.
Nakadagdag-inspirasyon pa kay Kylie ang pagkakaroon ng bagong leading man sa Joey Reyes movie. Hindi man itinatago ang paghanga kay Rayver, may mga tamis ang kanyang ngiti at nagkukulay-rosas ang paligid sa magagandang feedbacks sa team-up nila ng Kapamilya actor.
“Rayver is not a shooting friend. Hindi nagtatapos sa movie ang friendship namin. I feel his sincerity and respect. But let’s not jump into conclusion! I am blessed that I found a new friend. I am blessed too dahil sunod-sunod ang magagandang trabaho sa akin. The feeling is great at hindi ko idi-disappoint ang taong nagtitiwala at sumusuporta sa akin!” paliwanag ni Kylie sa magandang usad muli ng career.
Mula nang payagan ng ama na si Robin Padilla na sundan ang yapak niya sa showbiz, nabiyayaan ng programang nagmarka sa manonood ang performance ni Kylie. Hinangaan ang action skills niya sa Joaquin Bordado, ang kakikayan niya sa Tween Hearts at sa mada-drama niyang mga eksena sa The Good Daughter, Unforgettable at ang huli niyang Adarna.
Inisip ng marami na ang tanging pasaporte ni Kylie sa pagpasok sa showbiz ay ang pagiging anak ni Robin. Mula kasi sa pag-aaral sa Australia, nanaig sa young actress ang dugong-showbiz kaya hinanap niya ang kapalaran sa makulay at masalimuot na mundo na kanya ring kinalakihan.
Luckily, binigyan ng break si Kylie ng Kapuso Network at hindi naman sila nagkamali upang i-develop ang kaalaman niya sa pag-arte dahil positibo ang pagtanggap sa mga project na ginawa niya.
Subalit lingid sa kaalaman ng marami, hindi lang pag-arte ang alam ni Kylie. Mayroon din siyang mga ibang talento na kabilib-bilib sa murang edad niya. Isa na rito ang pagiging composer at singer. May nagawa na siyang album under GMA Records noong panahon na may pinagdaraanan sa puso ang SEASONS na mayroong walong kantang Filipino at English na ipinarinig niya ang kanyang songwriting at poetic side.
Bukod sa acting and singing, isa ring martial arts artist si Kylie. Well-trained siya sa ilalim ng ama. Isa rin siyang advocate, action star (na ipinakita sa Adarna) at total performer.
But more than being a total artist, nananalaytay din ang pagiging anak ni Kylie kay Robin, kapatid kina Queenie at Ali, isang mabait na apo kay Mommy Eva at higit sa lahat, bilang isang member ng isa sa showbiz royal clan, ang Padilla.
Sa ilang taon ni Kylie sa showbiz, dumating na rin siya sa puntong nakadama siya ng ups and downs, sa career man o sa pag-ibig. But just like a true Padilla, tumatatag siya sa pagdaan ng panahon.
Ngayon, mas matatag na si Kylie. Handa na siyang harapin ang hamon ng bagong sigla sa career. Binigyan siya muli ng panibagong tiwala ng Regal Entertainment, Inc. at nakatakda rin siyang isama sa isa pang Joey Reyes movie na Tsinoy.
With the good acting breaks coming her way, sa TV man o sa movies, love takes a backseat for Kylie and more focus on her career upang mapatunayan na siya na nga ang the next most important artist today!
ni Maricris Valdez Nicasio