ni ED DE LEON
AFTER some time na kailangan niyang magpahinga, balik trabaho na sa kapitolyo si Governor Vilma Santos. Pero nilinaw niyang talagang stress lang naman ang tumama sa kanya, at saka nagbalik iyong problema niya sa ulcers, pero hindi naman ganoon kalala iyon. Talagang sobra lang siguro ang trabaho niya, at kahit nga nagpapahinga kailangan pa rin niyang kumilos, lalo na noong may bagyo.
Talagang iba ang pagod ng isang public official, lalo na nga sa kaso niya na talagang hands on siya sa trabaho. Hindi naman siya kagaya ng ibang ipinamamahala sa ibang tao ang trabaho nila. Talagang kailangan muna niyang magpahinga sa sobrang trabaho, at saka kailangan naman niyang gumawa ng pelikula at TV shows. Matagal na iyang mga proyektong naghihintay sa kanya.
Mas malaki rin naman ang kikitain niya bilang isang aktres, kaysa kung maging senador man siya. Wala pa siyang problema. Sa shooting ng pelikula, relaxed lang siya, hindi kagaya ng trabaho niya sa kapitolyo ngayon.
Isa pa, kailangan din naman siya ng industriya. Kailangan natin ngayon ang mga artistang mahuhusay at kumikita ang mga pelikula. Kung puro husay wala namang kita, wala rin.