ni ED DE LEON
NATAWA kami roon sa isang comment sa social media. May bago na raw title iyong male starlet na si James Reid. Dapat daw tawagin iyong “hulog king”.
Isipin nga naman ninyo, sa dinami-rami ng mga modelong nasa stage na iyon, bukod tanging siya lang ang nahulog doon sa butas. Mabuti hindi masama ang bagsak niya at nakatayo siya agad. Siguro nga talagang nangyayari ang ganoong aksidente. Pero nag-blocking naman siguro sila at alam nila na may butas doon.
Ang isa pang possibility, sinasabi nga nilang madalim ang stage, tapos nakasuot siya ng madilim ding sunglasses kaya siguro hindi niya nakita na nasa butas na siya. Pag-atras niya, sumablay ang paa niya at tuloy-tuloy siya sa ibaba ng stage. Nakatatawa nga eh, habang iyong iba ang ipinakikitang video ay kung paanong rumampa, siya naman ang nasa video kung paano siya nahulog.
Pero sa totoo lang, kahit na may akusasyon pa ng discrimination against women, ‘di hamak na mas maganda ang show ng Bench kaysa riyan sa show ng magazine na iyan. Ang nagdala sa Bench hindi lang models kundi iyong acrobats nila. Talagang matindi. Ang Bench mayroon din namang lehitimong dahilan eh, nagbebenta sila ng underwear. Eh kung hindi naman underwear ang produkto mo, bakit kailangan kang mag-fashion show ng mga lalaki lamang na naka-underwear?